Isa umanong notoryus na miyembro ng gun for hire group na sangkot din sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang patay habang nakatakas ang tatlo niyang kasamahan nang mapa-engkwentro sa pulisya sa Navotas City noong Huwebes Santo ng umaga.

Sa ulat ni PSSupt. Dante Novicio ng Navotas City Police, alas-8:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa BGA Compound, Navotas Fish Port ng nasabing lungsod habang nagsagawa umano ng operasyon ang pulisya kung saan target na masakote ang grupo ni Kevin Michael Tibar na umano ay mga miyembro ng gun for hire group na sangkot din sa ilegal na droga.

Bago iyon ay nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya na nasa nasabing lugar ang grupo ni Tibar dahilan upang agad nila itong puntahan ngunit pagdating sa lugar ay bigla na lamang umano silang pinaputukan ng grupo kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Nagkaroon umano ng habulan hanggang sa makorner si Tibar na agad nitong ikinasawi.

Nakatakas naman ang hindi bababa sa tatlong mga kasamahan nito at narekober kay Tibar ang isang .9mm caliber habang narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang empty shells, tatlong live bullets at 13 piraso ng transparent plastic sachet ng shabu na inaalam pa ang dami.

Napag-alaman naman sa Navotas Maritime Police na may existing warrant of arrest sa Navotas Regional Court (RTC) Branch 286 si Tibar sa kasong direct assault in relation to RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ngunit nang aarestuhin na umano siya ng mga tauhan ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong ika-28 ng Hulyo, 2016 ay nakatakas umano ito habang nasawi ang dalawa nitong kasamang nakila­lang sina Roman Apita at Jhun Jhun Tibay.