Galang, Mau, Baron ‘di naawat ng Foton

Galang, Mau, Baron ‘di naawat ng Foton

Walang kahirap-hirap na kinalawit ng powerhouse F2 Logistics Cargo Movers ang pangatlong sunod na panalo matapos pagulungin ang Foton Tornadoes 25-9, 23-25, 25-22, 25-16 kagabi sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Imus Sports Center sa Imus City.

Nagtulungan sina Ara Galang, Fil-Am Kalei Mau at Majoy Baron upang ilista ng Cargo Movers ang malinis na tatlong panalo at manatiling solo sa tuktok ng team standings.

Kahit natisod ang F2 Logistics sa second frame ay bumangon agad sila upang tapusin ang laro sa apat na set.

Ipinakita ni former De La Salle star Galang ang kanyang tikas sa iba’t ibang posisyon.

Ayon sa Best player of the Game na si Galang, kahit saan siya ipuwesto ni F2 Logistics head coach Ramil De Jesus ay kailangan maging handa palagi.
“Ako kasi kung saan ako ilagay ni coach eh, like kung ano ‘yung itinuturo niya ay willing akong matuto,” saad ni Galang. “Basta ready ka kung ano ang ipapagawa sa iyo ni coach.”

Nagtala si Galang ng 15 attacks, tatlong service aces at isang block upang tulungan ang Cargo Movers na ipalasap sa Tornadoes ang pangalawang talo sa tatlong salang. (Elech Dawa)