May mga sabungerong maraming dahilan kapag natatalo ang kanilang panlaban, lalo na ang mga amuyong kung anu-anong sulsol ang mga binubulong sa may-ari ng manok para masisi lang ang handler at sila ang pumalit.
Alam naman natin na ‘di rin gusto ng handler at nang kanyang mga bataan sa paghahanda ng manok na matalo ang kanilang panlaban.
Sa madaling salita maraming galing-galingan sa sabong.
Mga klasmeyt halos walang pinagkaiba sa nangyari sa Gilas Pilipinas sa tatapos sa Linggo na 18th FIBA World Cup 2019 sa China.
Dahil 0-5 ang karta ng Pilipinas ay naglabasan ang mga galing-galingan, dumami ang mga basketball analysts kuno kesyo palitan na ang coaching staff at pati mga player dahil mga talunan daw.
Sa aking palagay, kung papalit-palit ng coaching staff at players ay lalong walang mararating ang ating team kaya dapat ay ituloy ang programang kanilang sinimulan sa pangunguna ni coach Yeng Guiao.
Kahit paano nabasa at napag-aralan ng coaching staff kung ano ang kulang sa kanilang team kaya puwede nilang itong pag-aralan para sa susunod na international tournament.
Gaya sa sabong, kapag natalo ang kanilang manok nalalaman ng handler kung ano ang kulang sa kanilang mga alaga at puwedeng sabihin ito sa breeder o boss.
Halimbawa kulang sa cutting o ‘di masyadong umaangat na maaaring ituro sa mga manok na alaga nila.
Kaya mga klasmeyt kahit sa anong larangan, sabong, basketball o ibang sports, kapag natalo, ang mabisang paraan para makabawi ay pag-aralan kung ano ang pagkukulang ‘di yung magpapalit ka ng mga tao mo.