Nahulog sa kamata­yan ang dalawang katao na lulan ng motorsiklo habang sugatan ang dri­ver nito nang malaglag sa bangin ang kanilang sinasakyan sa bayan ng Santa Maria, Romblon, Linggo nang madaling-araw.

Sa ulat, kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Lloyd Ramirez Romero, 21 at Joseph Mustasa, 18, pawang residente ng Sitio Cabugao, Brgy. Bonga.

Batay sa inisyal na imbestigasyon dakong alas-tres nang madaling-araw, sakay ang dalawa sa motorsiklo na minamaneho ni Angelo Miñeque, 24, at binabagtas ang kahabaan ng national road mula sa Brgy. Calagonsao, kung saan naki-fiesta umano ang mga ito.

Pagsapit umano sa pakurbang bahagi, nawalan ng kontrol si Miñeque sa motorsiklo hanggang tuloy-tuloy na mahulog sa bangin.

Isinugod sa pagamutan ang tatlo ngunit hindi na umabot nang buhay sina Romero at Mustasa.

Nabatid pa na nakainom umano ang mga biktima nang mangyari ang insidente.