Galit nga ba sa droga at kurapsyon?

Magdalo by Gary Alejano

Sa kabila ng kampanya kontra droga at kontra katiwalian ni Pangulong Rodrigo Duterte, may mga ahensiya pa rin ng gobyerno ang nasasangkot sa mga iligal na gawain. Dahil dito, hindi masisisi ang mga mamamayang pinagdududahan ang mga progra­mang ito ni Pangulong Duterte. Hanggang ngayon ay binabaha ng droga ang mga lansa­ngan sa bansa.

May mga patunay na nagsasabing nakalulusot ang tone-toneladang shabu sa Bureau of Customs (BOC). Natagpuan ang mga magnetic lifter sa GMA Cavite pero wala na ang mga laman nito. Naninindigan si dating Customs X-ray Inspection Chief Atty. Lourdes Mangaoang na shabu ang nilalaman ng mga magnetic lifter na nakalusot sa BOC.

Nagsalita na rin si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino patungkol sa kanilang mga nakumpiskang shabu sa kanilang operasyon. Ayon sa kanya, ang kanilang mga nakum­piska ay katulad ng mga droga na nakuha sa magnetic lifter sa BOC noong Agosto 7. Dahil dito, mas luma­lakas ang ebidensiyag mayroong lamang droga ang mga magnetic lifter na inihatid sa isang bodega sa GMA, Cavite.

Noong natagpuan ang mga magnetic lif­ter na ito, itinuring ni Duterte na espekulas­yon lamang ang sinasabi ng PDEA. Habang lumalakas ang mga ebidensiyang nagpapatunay na droga ang laman ng mga magnetic lifter, iginigiit lamang ng Pangulo na siya ay galit sa illegal drugs.

Ayaw kong isipin na ang administrasyon ay humahabol lamang sa mga mahihirap samantalang ang mga malalaking sindikato ay malayang nakagagawa ng mga iligal na gawain. Ayaw ko ring isipin na ang laban kontra-korapsyon sa mga ahensiya ng gobyerno ay isa lamang palabas upang makakuha ng boto noong 2016. Ang mga kurap na kawani ng gobyerno na kasabwat ng mga sindikato ay hindi nagagalaw.

Kung talagang galit ang Pangulo sa kurapsyon at seryoso siyang tapusin ang problemang ito ng bansa, hindi dapat makapagbibigay si Atty. Mangaoang ng mga pahayag patungkol sa malalang katiwalian sa BOC sa ilalim ng administrasyong Duterte. Habang ang mga mamamayan at ibang kawani ng pamahalaan ay ginagampanan ang kanilang trabaho at tapat na naglilingkod sa bayan, ang mga tiwali sa hanay ng gobyerno ay kinukunsinte ng Pa­ngulo.