Wala sigurong matinong drayber ang magsasabi na gusto niya matrapik. Lahat tayo — mayaman o mahirap, nakatapos ng college o hindi — eh ayaw na ayaw sa trapik.
Pero may ginagawa ba tayo para makaiwas maipit sa buhol-buhol na daloy ng sasakyan?
Nais kong ibahagi sa inyo ang personal kong mga paraan papaano makaiwas sa trapik.
1. Magtrabaho sa bahay — Oo, sa bahay lang ako nago-opisina. Paggising ko sa umaga hanggang pagtulog sa gabi eh nakakapagtrabaho ako. Hindi ko kailangan maligo, magpalit ng damit, at magmaneho sa trapik para magawa ang aking trabaho.
2. Planuhin ang mga lakad — Pero hindi naman araw-araw eh nasa bahay lang ako. Lumalabas din ako para makipag-meeting, manood ng sine, mag-shopping, o mamasyal kasama ang pamilya. Pinaplano ko iyon. Pinagsusunud-sunod ko na ang lakad ko para tipid sa oras at tipid sa gasolina.
3. Huwag sumabay sa rush hour — Alam naman natin kung kelan masikip ang trapik sa Makati o sa EDSA. At huwag na tayo makipagsapalaran na sumabay sa mga ganung panahon. Iwas na. Kung ako ay may meeting sa Makati sa umaga, kelangan bago mag-alas sais eh nakaalis na ako ng bahay. At kelangan bago mag-alas singko ng hapon ay nasa Skyway na ako pauwi sa Laguna.
4. Gamitin ang technology — Kaya naimbento ang email, online banking, at e-commerce ay para padaliin ang buhay natin. Gamitin natin ito para hindi na makadagdag pa sa mga sasakyan na nasa kalsada.
5. Mamasyal kapag ordinaryong araw — Trapik din sa malls kapag weekends, at trapik sa mga tourist spots kapag holidays. Kaya namamasyal kami kapag ordinaryong araw. Masarap mag-shopping tuwing Lunes. Ikaw lang ang tao sa mall at asikasong-asikaso ka ng mga sales ladies.
Ang trapik ay isang reyalidad sa buhay, pero hindi ibig sabihin na tatanggapin na lang natin ito at wala na tayong gagawin para makaiwas dito.
Hindi man natin ma-solve ang problema sa trapik, meron tayong puwedeng gawin para hindi maapektuhan at hindi maging bahagi nito.
***
Email: junep.ocampo@gmail.com