Nakalabas na sa ospital si Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa, isang araw matapos mag-crash ang helicopter na kanyang sinakyan kasama ang ilan pang police general sa San Pedro, Laguna noong Huwebes nang umaga.
Bandang alas-5:30 nang hapon nitong Biyernes nang lumabas sa St. Luke’s Medical Center-Global City sa Taguig. Sa basement ng naturang pagamutan dumaan si Gamboa sa kanyang pag-alis.
Sinabi ni PNP acting spokesperson Maj. Gen. Benigno Durana na posibleng ngayong Sabado, Marso 7, ay makalabas na rin ng ospital si Brig. Gen. Bernard Banac.
Si Gamboa ay nagkasugat lamang sa kanang braso habang si Banac ay minor abrasion lang sa pisngi.
Bago umano tuluyang ma-discharge ay nagsimba muna si Gamboa sa loob ng nasabing pagamutan.
Sina Gamboa at Banac ay nagtamo ng minor injury matapos bumagsak ang Bell 429 helicopter na kanilang sinakyan kasama sina Maj. Gen. Mariel Magaway, PNP Director for Intelligence; Maj. Gen. Jose Maria ‘Jovic’ Ramos, Director for Comptrollership; mga pilotong sina Lt. Col. Ruel Zalatar at Lt. Col.
Rico Macawili; Senior Master Sergeant Louie Estina, helicopter crew; at Capt. Keventh Gayramara na aide ni Gamboa.
Sina Ramos at Magaway ay kasalukuyan pang nasa kritikal na kalagayan sa magkahiwalay na pagamutan.
Sinabi pa ni Durana na kahit nakalabas na sa ospital si Gamboa ay patuloy pa rin itong imo-monitor ng mga doktor ng PNP Health Service.
Nabatid na binisita rin ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar si Gamboa para iulat ang inisyal na resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon sa crash site sa San Pedro, Laguna. (Armida Rico/Dolly Cabreza)