GAME 4 PARTY INAGAW NG CAVS

May selebrasyon pagkatapos ng Game 4 ng NBA Finals sa Cleveland kahapon, hindi nga lang ang Golden State kundi ang Cavaliers.

Nadiskaril ang historic party sana ng Warriors kung nakumpleto ang sweep. Ngayon ay babalik sila ng Oakland para tapusin ang misyon, karga ang 3-1 lead sa best-of-seven series.

Game 5 sa Martes (Manila time) sa Oracle Arena.

Hindi pumayag sina LeBron James, Kyrie Irving, Kevin Love at Cavs na sa kanilang teritoryo matapos ang 16-0 postseason run ng karibal at sa pugad pa nila simulan ng Warriors ang selebrasyon tulad noong 2015.

At pagkatapos ng 137-116 victory ng Cleveland, sigawan ang kanilang fans ng “Cavs in 7! Cavs in 7!” habang papunta sa exits.

Ang maingay – minsan mainit – na si Draymond Green, gigil na tapusin ang serye sa Bay Area.

“We have a golden opportunity going home on Monday to close this thing out. I’ve won one on the road. I want to see how it feels to win at home,” aniya, ayon sa The Associated Press.

Noong 2016, bitbit din ng Golden State ang 3-1 lead pabalik ng west pero sa Game 5 ay wala si Green, suspendido dahil sa naipong flagrant fouls, at hindi napigil ng Warriors si James o si Irving. Nanalo sa game ang Cavs, at nasindihan ang greatest comeback sa NBA Finals history.

Wala pang team na nakabalik para manalo ng serye kapag naiwan ng 3-0.

Kahapon, inilista ni James ang NBA Finals record niyang ninth triple-double para lagpasan si Magic Johnson. May 40 points si Irving.

Umiskor ang Cavs ng 86 points sa first half, at nagbaon ng Finals record 24 3-pointers.

Anim na 3 ang isinalpak ni Kevin Love tungo sa 23, lima ang naikonekta ni JR Smith mula downtown.

Tumapos si James ng 31 points, 10 rebounds at 11 assists, isa rito ang pabanda niya sa backboard bago sinundan ang bola, hinablot at ibinalik sa rim.

Umiskor si Kevin Durant ng 35 points para sa Warriors. Inalat si Stephen Curry na may 14 markers lang sa 4 of 13 shooting.