Naniniwala ang isang senador na umaarangkada na ang esports at game development sa bansa bilang pagmumulan ng karangalan at trabaho para sa mga Pilipino.
Ibinatay ni Sen. Bam Aquino ang pahayag sa mga pangyayari kamakailan kung saan bumida ang esports at game development industry ng bansa.
Kamakailan, isinama ang esports sa Asian Games bilang demonstration sport sa 2018 Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia. Sa 2022, ang esports ay isa nang official medal event sa 2022 Hangzhou Games.
Dagdag dito, isinama ng University of The Visayas New School sa Mandaue ang esports at game development sa Senior High Arts and Design track nito.
“I believe that if we strengthen academic-industry linkages and work with our schools to develop the skills and creativity of future Filipino game developers, we will be able to grow this industry more,” wika ni Sen. Aquino, na isang masugid na tagasuporta ng esports at game development industry ng bansa.
Ayon sa unibersidad, kabilang sa ituturo ang game strategy para sa Dota 2, game design at development animation, 2D at 3D animation at paglikha ng laro. Matapos ang dalawang taon, maaaring mamili ang mga estudyante kung nais nilang maging game creators, designers o e-sports players sa professional league.