Isinalpak ni Sean Manganti ang game-winning basket upang manatiling malinis sa apat na laro ang Adamson University.

Kumana si Manganti ng 18 points habang nag-ambag si Jerrick Ahanmisi ng 15 para sa Falcons na dinagit ang 69-68 panalo kontra University of the Philippines kahapon sa 81st UAAP senior men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Kapit ng Falcons ang 4-0 karta, solo sila sa top spot ng team standings.

Naghahabol ng 10 sa pagtatapos ng third period, kumana ng 10-1 run ang Adamson upang maagaw ang bentahe, 67-66, may 1:39 minuto na lang sa fourth quarter.

Muling nakuha ng Fighting Maroons ang abante, 68-67, matapos ang putback ni Bright Akhuetie mula sa mintis ni Paul Desiderio, may 5.7 seconds na lang sa orasan pero binigo sila ng panelyong dalawang puntos ni Manganti.

Samantala, nagwagi sa unang laro ang defending champion Ateneo sa University of the East, 89-62.