Gamitin sa tama ang cash aid

Ngayon pa lang, ramdam ko na maraming taxpayer ang may tampo sa gobyerno dahil sa hindi makatanggap ng ayuda sa panahon ng krisis dulot ng coronavirus pandemic. Sila yung mga middle class family. Hindi nabibilang sa mahihirap pero hindi rin maituturing na mayayaman.

May mga middle class na exempted na sa pagbabayad ng income tax dahil sa TRAIN Law. Mayroon ding hagip ng bagong batas sa pagbubuwis na mas malaki ang binabayad kumpara sa dating sistema. Sa isang pag-aaral, sila ang kumakatawan ng 40 percent ng ating populasyon habang 58 percent naman ang nabibilang sa mga lower-income class ng lipunan.

Noong nagdesisyon ang gobyerno na mamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid sa 18 milyong mahihirap na pamilya, nagtanong ang maraming middle class na pamilya kung bakit hindi sila mabigyan din ng ayuda. Tapat silang nagbabayad ng tax sa gobyerno pero walang nakuhang tulong sa panahon ng krisis.

Sabi ng iba, may ilang mahihirap na pamilya ang pinangsusugal lamang ang nakuhang ayuda mula sa gobyerno. Dahil walang trabaho at buong araw na tambay lang sa bahay, tong-its ang pampalipas ng oras.Yung iba, ginagamit pa raw na pambili ng alak o sa pinagbabawal na gamot.

Tiyak na masakit din ang ulo ng mga economic manager na inutusan ni Pangulong Duterte na pag-aralan kung may posibilidad na maisahog din sa social amelioration programng gobyerno ang mga pamilyang nabibilang sa middle class. Hindi biro ang laki ng pondong gagamitin dito sa panahong kapos ang koleksyon ng revenue dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ang pakiusap lang sana sa mga taong nabigyan ng ayuda ng gobyerno, gamitin nila sa wastong pamamaraan at huwag ipangsugal lamang dahil lalong sumasama ang loob ng mga taong hindi nabigyan ng cash aid. (END)