Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang hindi pa nakikilalang morenang babae na nakasilid sa isang asul na drum at nakatali ang leeg nito ng alambre kahapon ng umaga sa Taguig City.
Inaalam pa ng Taguig City Police ang pagkakakilanlan ng biktima, na nasa edad 25-35, naka-stripe na sando, asul na short at golden brown na mahabang buhok.
Sa report ni Police Colonel Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-7:04 ng umaga nang matagpuan ang biktima sa Block 41, Lot 7, Poolan St., Barangay Central Bicutan, ng naturang lungsod.
Ito’y matapos makatanggap ng tawag sa telepono ang duty officer ng Police Community Precinct (PCP) 2, Taguig City Police mula sa mga bantay-bayan ng Barangay Central Bicutan.
Nang rumesponde ang mga awtoridad ay dito na tumambad ang bangkay ng babae, na nakasalaksak sa drum at may tali ng alambre sa leeg.
Sa pagsusuri sa labi ng biktima, may palatandaan na pinahirapan ito nang husto bago pinatay.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.