Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:00 noon — San Beda vs. San Sebastian (srs)
2:00 p.m. — Lyceum vs. Mapua (srs)
4:00 p.m. — JRU vs. Letran (srs)

Kahit nabungi ang pangil ng San Beda College Red Lions, pipilitin nilang ibaon ito sa San Sebastian College Stags para manatili sa tuktok ng standings sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan ngayong araw.

Misyon ng Red Lions na maibalik ang korona sa Mendiola, pero hindi na makakasama ang pangunahing armas nilang si Cameroonian big man Donald Tankoua sa mga natitirang laban ng San Beda.

Paniguradong mararamdaman ng Red Lions ang pagkawala ni Tankoua dahil sa mga numerong inirehistro nito para sa San Beda na nasa unahan ng pulutong sa 10-1 karta.

May average si Tankoua na 16 points, 11 rebounds at 1.5 blocks per game bago inabot ng right knee injury sa 90-82 win nila kontra EAC. Hindi kakayaning punan ng isang player lang, kailangan ng buong gang.

“We can’t fill the vacuum he left by just one or two players, we need to do it by committee,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.

Inaasahan ni Jarin na makakatulong sina young big men Benedict ­Adamos,  Calvin Optana, Antonio Bonsubre, Raniel Navarro at isa pang Cameroonian na si Arnaud Noah.