Isang tama ng bala sa leeg ang tumapos sa buhay ng isang binatilyo matapos barilin ng isa sa dalawang security guard ng Manila International Container Terminal (MICT) sa kasagsagan ng gang war kahapon ng madaling-araw sa North Harbor, Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Willy Lozada, carwash boy ng 217 Claro M. Recto Avenue, Tondo, habang tinutugis ang dalawang security guard na sina Dioscoro Cillo at Gad Dalguntas, kapwa nasa ilalim ng RW Security System at nakatalaga sa MICT sa Pre-Gate Area, Chasis Entrance sa Pier 2 Holding Area sa North Harbor, sa Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District-homicide section dakong alas-2:50 ng madaling araw, nang maganap ang pamamaril sa binatilyo sa nasabing lugar na kung saan kapwa nakatalaga ang dalawang sekyu.
Nabatid sa report ng pulisya, istambay sa lugar ang biktima, kasama ang ilang miyembro ng Resbak Batang Matikas (RBM) nang magkaroon ng rumble sa kaaway na gang na “Original Makata Gangsta” (OMG) hanggang sa magkaroon ng batuhan at habulan ang magkalabang grupo.
Tinangka umano ng dalawang suspek na awatin ang kaguluhan hanggang sa ang isa sa kanila ay nagpaputok ng baril sa direksiyon ng biktima, habang ang isa naman ay nagpaputok umano sa ere.