Binuhay na muli ang panukala sa Mababang Kapulungan ng ­Kongreso na nagbabawal sa mga malls na maningil sa paggamit ng kanilang mga palikuran at parking lot.

Ang panukala ay inihain ni Quezon City Rep. Winston ‘Winnie’ Castelo sa Kamara.

Nakasaad ng mambabatas na ang mga palikuran ay bahagi ng ­ancillary services ng mga mall kaya’t dapat libre ang paggamit nito.

Hindi rin dapat daw nagpapabayad sa mga parking lot ng mga mall dahil kasama ito sa mga basic amenities ng mga establisimiyento ­tulad ng pasyalan, hotel, at pagamutan batay na rin sa Consumer Law.

Maliban sa nabanggit ay nakapaloob din sa building code ng kahit anong lugar katulad ng fire escape, elevator, gayundin ang parking at CR ay ipinapagamit nang walang bayad.

Sa ngayon ay bahagi na ng sistema ng ilang malls ang paniningil sa kanilang mga kostumer ng mga gumagamit ng palikuran gayundin ang parking lot.

Ang panukalang ito ay dati nang isinulong pero nakakalungkot ­dahil tila sa basurahan ito bumagsak kaya muli itong binubuhay ngayon­ ng Kongreso.

Sang-ayon tayo sa magandang hangarin ng panukalang ito at sana nga ay mabigyang pansin ito ngayong 17th Congress dahil marami talaga ang makikinabang dito.

Klarung-klaro sa nilalaman ng ating Building Code kaya sana­ ay mailaban ito ng Kongreso sa mga mapagsamantalang negosyante­ para sa kapakinabangan ng mga mamimili na palagiang laman ng mga malls.

Hangad nating hindi lamang sana ito dumaan sa paghahain sa ­Kamara kundi makarating sana ito sa third and final reading hanggang sa tuluyang pagpasa para naman magkaroon ng pakinabang ang taumbayan ngayong Kongreso.

Alam nating nagtatrabaho ang Senado at Kamara pero sana idamay­ ang mga ganitong klaseng panukala na direktang naghahatid ng ­benepisyo sa bawat mamamayang Filipino.