Ganyan ang dapat na pagtrato sa ating mga bagong bayani

Sa wakas ay makakaramdam na ng ibayong ginhawa ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) na nagpoproseso ng kanilang mga dokumento para sa pagkayod sa ibang bansa.

Ito ay dahil inilunsad na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang one-stop shop service center (OSSSC) na laan para sa mga tinatawag nating bagong bayani pero matagal nang pina­hihirapan ng gobyerno dahil sa mga pahirap na polisiya.

Ang one-stop shop ay magagamit ng mga OFWs para isaayos ang lahat ng kakailanganing papeles sa mga ahensya ng gobyerno para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kabilang sa mga maaaring iproseso sa one-stop shop ay ang mga dokumentong kinukuha sa Department of Foreign Affairs (DFA) katulad ng passport services, passport validity extension sa mga nagbabakasyong OFWs at pagpoproseso ng OWWA membership/renewal ng membership naman sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang one-stop shop ay matatagpuan sa ground floor ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Ortigas ­Avenue at Epifanio Delos Santos Avenue, Mandaluyong City.

Ibig sabihin hindi na lalayo pa ang mga kababayan nating OFWs para kumuha ng iba nilang mga ­dokumento dahil matatagpuan na lamang ito sa iisang lugar.

Layon ng programa na matulungan ang mga OFWs na mabawasan ang gastos ng mga ito sa pamasahe dahil sa pagsasaayos ng mga papeles sa mga ahensya ng gobyerno.

Saludo tayo sa maagap na aksyong ito ng gobyernong Duterte para sa mga OFWs.

Napakahalaga talaga ng oras ng mga OFWs kaya tama lamang na magkaroon ng ganitong tanggapan dahil sa halip na gugulin nila ang oras sa pagpoproseso ng mga kakailanganing dokumento­ sa pagtatrabaho sa ibang bansa ay magamit nila ito sa pakikipag-­bonding sa pamilyang muling iiwanan dahil sa pagkayod sa ibang bansa.

Hangad natin ang mas marami pang kahalintulad na progra­mang magpapagaan sa buhay ng bawat mamamayang Filipino na nakikipagtransaksyon sa gobyerno ang mailunsad.