GAP aapela sa SEAG organizers

Cynthia Carrion-Norton

Aapela ang Gymnastic Association of the Philippines (GAP) sa organizers na ibaba ang age requirement para sa 29thSoutheast Asian Games (SEAG) 2017 na nakatakda sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Inihayag kahapon ni GAP President Cynthia Carrion-Norton na naparating na niya sa ilang opisyal at national federations ang bagay,  at posi­tibo siyang nakakuha ng reaksyon lalo’t maraming senior gymnasts ang agad na mga nagkaka-injury hambing sa mga juniors.

Nais ni Carrion-Norton na mapabababa ang age eligibility mula sa 18-anyos pa-17-taong-gulang para ma-accommodate si jr. gymnast Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo, na nakatakdang mag-17 bago pa mag-SEA Games kung saan gold potential siya.

Maraming nilahukan na international competitions sa nakalipas na mga taon ang former Palarong Pambansa at Batang ­Pinoy standout na si Yulo at walang puknat ang uwi ng golds gaya sa Asia-Pacific Rim at nito lang sa Voronin Cup sa Russia sa pagdaig sa world superpower bets.

Tatalakayin ang age eligibility na ­17-below para sa juniors at 17-above para sa seniors sa Asian Gymnastics Union (AGU) meeting sa Pebrero bago isumite ang desisyon sa Olympic Council of Asia (OCA).

Pagpapasyahan din sa pulong ang pagpapababa sa degree of difficulty na nagiging resulta ng injury ng mga gymnasts.