“Sinuntok niya ako sa tiyan nung ayaw ko pumayag sa gusto niya”

Ito ang lumuluhang sumbong ng 19-anyos na dalaga mula sa isang barangay sa Olongapo City na dalawang ulit na nagahasa ng lalaking nagpakilalang chatmate nito sa Facebook kamakalawa ng gabi.

Ayon sa biktima na itinagong sa pa­ngalang Mildred, dakong alas-6:45 ng gabi at kala­labas lang niya sa pinapasukang trabaho nang la­pitan siya ng hindi pa nakikilalang suspek na may kababaan ang height, malaki ang pangangatawan, at nasa pagitan ng edad na 40-45.

“Sabi niya matagal na raw niya ako kilala kasi nakaka-chat ko raw siya. Marami siyang sinasabi tapos sabi niya ihahatid niya raw ako pauwi. Nung sumakay na ako sa sasakyan (maroon na pick up) niya, nilagpa­san niya ‘yung lugar namin, diniretso niya pa-Manila,” ayon sa biktima nang makapanayam ng TONITE.

Hindi umano niya nagawang makalabas ng sasakyan, ayon pa sa biktima, dahil naka-lock ang mga pinto nito. Binantaan din umano siya na papatayin siya ng suspek. Hanggang sa tuluyan na umano silang nakarating sa isang bakanteng bahay sa lugar umano ng Las Piñas City at dahil sa matinding takot ay hindi na nagawang makapanlaban pa ng biktima, dahilan upang da­lawang ulit siyang pagsamantalahan.

Ayon pa sa biktima, pinalaya at pinauwi umano siya ng buhay ng suspek nang nakiusap siya at sinabing hindi magsusumbong sa pulisya. Doon na nagpasya ang suspek na ihatid ang biktima pabalik ng Olo­ngapo, ngunit sa pagkaka­taong iyon ay nag-commute na lang sila sa pampasaherong bus.

Mag-isa lang umanong bumaba ang biktima sa bus na agad dumiretso sa himpilan ng pulisya upang maghain ng kasong rape laban sa suspek.

Samantala inaalam na ng Olongapo City Police Office (OCPO) sa Land Transportation Office (LTO) ang nakuhang plate number ng biktima sa sasakyan ng suspek.