Ilang dipa lamang ang layo sa Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) nang barilin at mapatay ang 36-anyos na kolektor ng basura ng hindi kila­lang suspek, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Albert Franco, miyembro ng Confederate Sentinel Group (CSG/Force Multiplier), at residente ng Helping Complex, Barangay 105, Tondo, Maynila.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, imbestigador ng Manila Police District-homicide section (MPD-hs), dakong alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Children’s Clinic sa Road 10, Tondo malapit sa Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP).

Naglalakad umano ang biktima nang aba­ngan ito ng suspek at bigla na lang barilin sa ulo.