Nasama ang pangalan ni coach Caloy Garcia sa humahabang listahan na pinagmulta sa PBA Philippine Cup semifinals.

Multado ang Rain or Shine coach ng P22,400 dahil sa insidente sa Game 4 ng best-of-seven series kontra Magnolia noong Lunes sa Smart Araneta Coliseum.

Dalawang kaso ang pinag-ugatan ng multa – P20,000 sa physical contact sa game official, at P4,000 sa paggamit ng hindi akmang salita (profane language).

Sa third quarter ng laro, hindi nagustuhan ni Garcia ang offensive foul na tinawag sa kanyang big man na si Beau Belga.

Nilapitan ni Garcia si referee Peter Baclao at tinapik ang hawak na bola na nagresulta sa pangalawang technical at ejection.

Natalo ang Elasto Painters sa laro 94-91 at itinabla ng Hotshots ang serye 2-2. Game 5 ngayon sa Cuneta Astrodome.

Si Phoenix big Dave Marcelo, namultahan din ng P20,000 dahil sa flagrant foul 2 nang hambalusin ni Christian Standhardinger ng San Miguel sa Game 3 ng hiwalay nilang series noong Linggo. Hindi sinuspinde si Marcelo at nakalaro sa Game 4 kagabi.

Pinagmulta rin si Belga ng P3,400 dahil sa pang-apat niyang T sa conference, gayundin si teammate Gabe Norwood (P1,000) sa technical dahil sa panduduro sa referee.

Pati si Arwind Santos ng San Miguel, pinatawan din ng P1,000 fine.
Si Calvin Abueva ng Phoenix, binigyan P3,400 fine sa pang-apat na T. (Vladi Eduarte)