Hindi naiwasan ni Rain or Shine coach Caloy Garcia na magpasalamat at magbigay respeto sa North Port matapos ilaglag, 91-85, sa quarterfinals ng 2019 PBA Philippine Cup Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena.

“Dadagdagan na lang namin ng spaghetti iyung ipinadala namin na pansit,” pagbibiro ni Garcia, matapos na pigilan ang tatlong sunod na panalo ng Batang Pier at maagang itulak sa pagbabakasyon sa torneo.

“Pero ang totoo, tinutukan talaga namin ang lahat ng laro ng NorthPort.
Nag-focus kami sa lahat ng kanilang mga puwedeng gawin kaya kami nanalo. Nabantayan nila si James (Yap) but good thing ay may mga nag-step up sa mga player namin,” hirit ni Garcia.

Hinihintay na lamang ng Elasto Painters ang magwawagi sa Last Eight match ng Barangay Ginebra San Miguel at Magnolia Pambansang Manok.

“Hindi muna namin inisip kung sino ang mananalo sa kanila. Basta kami ang ginawa muna namin ay lampasan ang North Port,” panapos ni Garcia.
(Lito Oredo)