Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)
4:30 pm – TNT KaTropa vs. Meralco
7 pm – Rain or Shine vs. Blackwater
Dalawang panalo sa dalawang laro ang Rain or Shine sa PBA Philippine Cup, kabaligtaran nila ang Blackwater na dalawang silat sa dalawang salang.
Itataya ng Elasto Painters ang malinis na baraha laban sa naghahanap ng unang panalong Elite sa nightcap ng double-header sa Cuneta Astrodome mamaya, pagkatapos ng bakbakan ng TNT KaTropa at Meralco.
Huling itinumba ng Elasto Painters ang bigating Ginebra 83-80 sa Calasiao, Pangasinan noong Sabado.
Naging kontrobersyal ang laro dahil sa chasedown block ni Gabe Norwood sa puma-fastbreak nang si Gin Kings guard LA Tenorio. Unang tinawag ng referees na goaltending, pero nang i-review ang play dahil nangyari sa final 2 minutes na, binaliktad at naging clean block.
Injured si big man Raymond Almazan (ankle), napiga ni coach Caloy Garcia si Norbert Torres. Nag-average ang Fil-Canadian ng 11.5 points sa dalawang panalo.
Malaking bagay din sa Painters si rookie forward Javee Mocon.
Sa kabilang banda, unang nilunod ng NorthPort ang Elite 117-91 noong Jan. 16 bago kinuryente ng Bolts 99-94 makalipas ang tatlong araw.
Hindi pa makuha ng Elite ang chemistry sa pagdating nina newbies Paul Desiderio at Abu Tratter. Wala ring lehitimong big si coach Bong Ramos sapul nang mapunta sa NLEX si Poy Erram.
“Kung ano ang nasa lineup namin, we’ll make do with that,” giit ni Ramos.