Garin, Abad gigisahin sa P9.3B health stations fund

Gigisahin ng Kamara sina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Florencio Abad patungkol sa usapin ng P9.3B pondo na ginugol sa implementasyon ng Barangay Health Stations (BHS) project ng Department of Health (DOH) noong 2015.

Pinahaharap ng mga miyembro ng House committee on good go­vernment and public accountability ang dala­wang opisyal ng nagdaang administrasyon sa susunod na pagdinig ng komite.

Ang imbestigasyon ng Kamara ay kaakibat ng House Resolution 360 para matukoy kung anong ahensya ang mas karapat-dapat na magpatupad ng naturang proyekto sa buong bansa na nasa bisinidad ng mga pampublikong eskwelahan.

Batay sa mga ulat, ang konstruksyon ng BHS sa school premises ay hindi pa nayayari at hindi pa gumagana magpahanggang ngayon.

Sa pagdinig nitong Marso 5 ngayong taon ay lumutang ang mga isyu na may kaugnayan sa pagpopondo at pagpapatayo ng BSH.

Nakalkal din na ang bidding para sa BSH project noong 2015 ay isinagawa noong Set­yembre, ng nabanggit na taon kahit wala pang pondo para sa 2015 Gene­ral Appropriations Act (GAA) partikular na sa DOH budget.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, wala sa ­hulog at eskandaloso ang multi-billion procurement project.

“Scandalous, masyado nang binabasura ‘yung sistema ng gobyerno. Paano po kayo nakapag-bid nang walang pondo? Ang SARO nito Dec. 29, paano kayo nag-pondo? Hindi ko mahagip sa isip ko, wala kayong pondo magbi-bid kayo,” pagdidiin ni Leachon.

Bunsod nito, hiniling ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na humarap sina Abad at Garin para magbigay-­linaw sa isyu.

“May we invite both former Secretaries Garin and Abad to enlighten us about the sources of fund because you know, this is a big amount of money…and it must have come from the sa­vings, and when it comes to savings we have to identify savings of which agency. If this is not the savings of the DOH but the savings of other agencies then it is illegal. Hindi po tama ‘yan. Illegal po ‘yan. Alam naman natin, the Disbursement Acceleration Program (DAP) was declared unconstitutional by the Supreme Court,” sabi ni ­Pichay.