Naniniwala si Public Attorney’s Office (PAO) chief lawyer Persida Acosta na “namisquote’ si presidential spokesman Salvador Panelo nang sabihin ito na ikinukunsidera ang muling paggamit ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay Acosta ang panukala ay nagmula umano kay dating Health secretary at nga­yon ay Iloilo Rep. Janette Garin, respondent sa ilang kaso na isinampa ng PAO laban kaugnay sa kaso ng pagkamatay sa dengue vaccine.

“Alam ko na-misquote lang si Secretary Pa­nelo ‘yan dahil ang nagsalita at nagrekomenda ay nasasakdal, si Secretary Garin. Nasasakdal ‘yan. Nakapiyansa lang ‘yan,” ayon kay Acosta.

Sinabi ni Acosta na akusado si Garin dahil hindi ito credible para magsalita.

“Hindi siya credible na mag-suggest dahil siya ay isang akusado at respondent sa mga Dengvaxia dead victims cases,” ani pa Acosta.

Inakusahan ni Acosta si Garin na ang paha­yag nito ay bahagi ng kanyang legal strategy.

“Depensa niya ‘yan kasi dahil pag nabalik [ang Dengvaxia] sasabihin niya sa korte, ‘O, nabalik’,” dagdag pa ni Acosta.

Inamin rin ni Acosta na hindi pa niya nakakausap si Panelo at ang kanyang pahayag ay ibinase sa kanyang mga nabasa sa pahayagan.

“Nabasa ko ‘yung excerpts. Sabi niya open to anything ang Palasyo basta ikabubuti pero pag-aaralan yan. Hindi sinabing ibalik. Mini-misquote siya na ibalik na,” giit pa ni Acosta.

Noong Miyerkoles sinabi ni Panelo na bukas ang Malacañang sa anumang option para mapigil ang pagtaas ng dengue sa bansa bilang tugon sa panukala ni Garin pero hindi nito sinabi na ibabalik ang pagamit ng dengvaxia.

Nanatiling nakabitin ang posibleng paggamit ng dengvaxia dahil wala pang pinal na desisyon ang gobyerno sa isyu.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos agad na kumontra si (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta sa pagiging bukas ng Malacañang sa mungkahing paggamit muli sa anti-dengue vaccine.

Sinabi ni Panelo na walang dapat na ikaalarma dahil hindi pa nagbigay ng go signal ang Malacañang para gamitin uli ang Dengvaxia vaccine. (Juliet de Loza-Cudia / Aileen Taliping)