Gary excited sa reformat ng ‘ASAP’

tonite-imo-vinia-vivarMatapos suma­ilalim ni Gary Valenciano sa dalawang magkasunod na operasyon nitong nakaraang May and June, bumalik na nga nang buong-buo ang energy ni Mr. Pure Energy at hindi mo iisiping nagkasakit siya’t nagkaroon ng bypass heart surgery and malignant cancer of the kidney.

Sa nakita naming performance ni Gary last Friday night sa Cloverleaf Mall para sa kanyang “Awit at Laro” album mall tour, masasabi ngang milagro ang nangyari sa kanya dahil at 54, humahataw pa rin siya sa pagsasayaw na tulad pa rin ng dati at tingin nga namin ay mas energetic at mas ma­lakas pa siya ngayon. Nakipagsabayan siya ng pagsasayaw sa 17-year-old singer/dancer na si Darren Espanto na talaga namang nakakatulala.

Maging si Gary V ay ina-acknowledge na talagang maituturing niyang milagro ito ng Diyos sa kanya.

“Minsan, nakakatakot na nga kasi baka nga ‘yung iba, mag-akala na ‘uy, baka gimmick lang ‘yan.’ Pero talagang miraculous talaga para sa akin kasi dumating na rin ako sa punto na ‘ano ba, kaya pa ba or baka siguro, kailangang mag-slow down nang kaunti.’ At malamang, eh talagang mangyayari ‘yan kasi nangyari naman sa lahat, eh. Pero sa ngayon, kaya pa rin,” ani Gary nang makatsikahan namin after his amazing performance.

Ang feeling nga raw niya ngayon ay na-refresh siya talaga at sobrang excited siya sa mga bago niyang gagawin especially next year.

In fact, long range planning na nga raw ang ginagawa niya at iniisip na niya ang mga gagawin niya 5-10 years from now.

Bukod dito, excited din si Gary V sa reformat na magaganap sa “ASAP” at para sa kanya, anuman ang mga pagbabagong ito ay makabubuti talaga para sa show.
“Ako, excited ako, kasi parang pinag-aralan nila, hindi lang ‘yung show mismo pero pinag-aralan din nila kung ano ang gusto ng buong sambayanan.

“And I think it’s good that they’re doing this. I think, magbibigay ito ng chance para mag-shine talaga ‘yung mga may karaparang mag-shine, tulad nina Darren (Espanto) na kasama pa rin sa show, but I also think na kung saan kami malakas. . .for example, if I am a person na nakakapagbigay ng encourage and hope sa mga tao, du’n ako, ‘yun ang magiging pinaka-strength ko sa ‘ASAP.’

“If Regine (Velasquez) is to encourage the new generation, ‘yun ang role niya. May kanya-­kanyang role.

“It would change a bit but it would still be entertaining, but I think na mas babad ang makikita ng fans,” paliwanag ni Gary.

Samantala, ang “Awit at Laro” album na nagsisilbing grand comeback ni Mr. Pure Energy sa recording scene dahil halos tatlong taon itong binuno at ito rin ang pinakamalaking recording ni Gary V.

Ang nasabing album ay naglalaman ng 20 tradisyunal na mga Pilipinong larong pambata at mga folk song at hindi lang si Gary ang maririnig dito kundi pati na rin ang iba pa nating artists tulad nina Jona, Yeng Constantino, Janella Salvador, Sam Concepcion, Anne Curtis, Gloc-9, Lea Salonga, TNT Boys, among others.
Ang “Awit at Laro” ay bahagi rin ng selebrasyon ng ika-35 na taon ni Gary sa industriya, sa bagong buhay na ipinagkaloob sa kanya, at sa ika-70 taon ng UNICEF sa Pilipinas.

Precious, Alma nalungkot sa ‘sexual harassment’ sa Miss Earth

Nagbigay ng kanilang saloobin at reaksyon ang dalawang dating beauty queens na sina Precious Lara Quigaman at Alma Concepcion sa alleged sexual harassment na diumano’y naranasan ng tatlong kandidata ng Miss Earth 2018 na sina Miss Canada Jaime Vandenberg, Miss England Abbey-Anne Gyles-Brown and Miss Guam Emma Mae Sheedy.

Ayon kay Precious Lara na nanalong Miss International noong 2005, sobrang nakakalungkot ang isyung ito lalo pa nga’t sa bansa natin ginagawa ang Miss Earth.

“Nakakalungkot na ang ibang mga candidates, naka-experience sila ng ganu’n and siguro, hindi lang naman sa beauty pageant, I’m sure it happens everywhere else, maraming iba’t ibang work places, nangyayari ‘yung mga ganyang harassment,” pahayag ni Lara sa announcement presscon kahapon para sa six advocacy films ng Fly High Entertainment Productions.

“Nakakalungkot and I really don’t know what happened pero I’m also happy kasi matapang ‘yung mga girls to speak out. Kasi minsan, ‘pag nangyari ‘yun nananahimik na lang sila.

“So, dahil nagsalita si Miss Canada, nagsalita na rin si Miss Guam and si Miss England. So, in a way, it’s also good kasi nagkakaroon ng boses ‘yung mga babae na nahihiya,” dagdag pa ni Lara.

Kung siya raw ang tatanungin, during her time ay wala naman siyang naranasang anumang sexual harassment.

“And also, nu’ng time ko rin, ano ako, eh, tinuruan ako ng lola ko na maging very-very aware sa surroundings ko, sa mga tao, to carry myself well, para marunong akong umiwas du’n sa mga medyo suspicious na mga characters,” ani Lara.

Sinegundahan naman ito ni Alma at noong time rin daw na sumali siya sa Bb. Pilipinas ay wala raw silang interaction at all sa mga sponsor ng pageant.
Para sa kanya, dapat daw ay kontrolado ng mga pageant organizer ang mga ganitong bagay at hindi talaga hinahayaang maging close ang mga sponsor sa kandidata without security.

When asked kung dapat bang magdemanda ang mga kandidata, ani Alma ay desisyon ito ng mga girl, pero sa tingin niya ay tama lang kung sakaling magsasampa ng kaso ang mga ito laban sa sinasabing sponsor na inaakusahan ng sexual harassment.

Sina Alma at Lara ay kasama sa pelikulang “Sarah and Cedie” na isa sa anim na pelikula ng Flying High Productions mula sa direksyon ni Errol Ropero.

Ang lima pang advocacy film ng naturang produksyon ay “Prince of Music,” “My Music Hero Teacher,” “Mga Munting Pangarap,” “Science En Marsha” and “A Walk To Remember.” Lahat ng 6 na nabanggit na pelikula ay idineriheng lahat ni direk Errol. Target audience nila ang mga estudyante kaya naman ipalalabas ang mga naturang pelikula sa iba’t ibang school sa Pilipinas na ang iba nga raw ay ­currently showing na.