Ang Kundirana ay ang kilalang high school music ministry ng La Salle-Greenhills na pinagmulan ng maraming kilalang personalidad ngayon sa music industry.

Ito’y kinabibilangan nina Gary Valenciano, Randy Santiago, Ogie Alcasid, Dingdong Avanzano, Rannie Raymundo, Rowell Santiago, Juan Miguel Salvador, Louie Ocampo, Dingdong Eduque, Mo­net Silvestre at marami pang iba.

Sa July 6, apat sa naging former members ng Kundirana and now considered OPM icons na sina Gary, Ogie, Randy at Dingdong ang nagsama-sama para sa isang benefit concert na pinamagatang “Green & Go”. Gaganapin ito sa FilOil Flying V Centre, San Juan City. Ang natu­rang show ay pinamahalaan ng La Salle-Greenhills Batch 1984 para sa celebration ng kanilang 35th homecoming year.

Lahat ng proceeds ng nasabing fundraising concert ay mapupunta sa mga medical needs ng dati nilang mga naging kasamahan sa La Salle-Greenhills na nangangailangan ng tulong.

Tumayong musical director ng nasabing concert si Mon Faustino at si Paolo Bustamante naman ang naging stage director.

May 30 years na rin ang nakaraan nang unang magsama-sama ang apat along with their fellow Kundirana alumni sa isang sold-out concert sa Ultra na pinamagatang “Kundi Sa Ultra, Saan Pa?” Hindi na ito naulit pa.

Samantala, except for Dingdong, maituturing na mga Kapa­milya talents sina Gary V, Ogie at Randy. Regular silang napapanood sa ilang programa ng ABS-CBN tulad ng “ASAP Natin ‘To” at ang ‘Tawag ng Tanghalan’ segment ng “It’s Showtime” na madalas silang tumatayong hurado. (Aster Amoyo)