Gatchalian: DOH kulang sa paghahanda kontra COVID-19

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Sherwin Gatchalian sa tila kabagalan ng Department of Health (DOH) na tumugon sa mabilis na pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa senador, hindi handa ang DOH sa kanilang giyera laban sa banta ng COVID-19 sa kabila ng naunang nilang pahayag para dito.

“Hindi ko nakikita `yong kahandaan na iyon, on the ground, sa totoo lang. Araw-araw kami nandito, on the ground, hindi namin nakita `yong kahandaan na ‘y0n,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa radyo.

“I have to give credit to our local government units, kasi kahit na medyo malawak itong paglaban na ito, gumagawa sila ng paraan para sa sarili nila para malabanan itong virus,” dagdag pa nito.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang hindi pag-akto ng DOH sa petisyon ng ilang ospital na nag-apply ng accreditation para sa processing facility at testing center para sa COVID-19.

Isa aniya sa napakahalagang hakbang para labanan ang virus ay i-decentralize ang testing ng COVID-19 subalit iginiit noon ng DOH na dapat lang gawin ang pagsusuri sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Dahil iisa lang ang testing center noon, kailangan pang maghintay ng walong araw para sa resulta nito kaya’t hindi nabibigyan ng medical attention ang mga patient under investigation (PUI) o patient under monitoring (PUM).

“Let’s remember that the spread of the virus is local, not national. The virus spreads in barangays, our communities, and to prevent it from spreading, our LGUs are the ones fighting,” sabi ni Gatchalian. (Dindo Matining)