Gatchalian sa DOE: Maging transparent sa nuclear program

Kailangan umanong maging transparent ang nuclear energy program agenda ng gobyerno sa gitna ng ulat na nagkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at Russia para sa posibleng pagtatayo ng nuclear power plant sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ginawa ng senador ang panawagan sa pagdinig ng Senado sa panukalang P2.3 bilyong pondo ng Department of Energy (DOE) kung saan binusisi nito ang inilaang P97 milyong pondo para sa nuclear program agenda.

Tinanong ni Gatchalian si Energy Secretary Alfonso Cusi kung may go signal na ba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing nuclear program agenda.

“Our briefing disclosed to us that it was already endorsed to our President. The next question now is whether to pursue it or not,” ani Gatchalian.

“Right now, parang walang direction. Kung walang direction, does that mean do we still pursue or is that a tacit signal to pursue?” dagdag nito.

Kinuwestiyon din ni Gatchalian ang ‘constitutionality’ ng nuclear program sa bansa.

Aniya, ‘useless’ umano ang naturang pondo kung hindi naman umano pabor dito si Pangulong Rodrigo Duterte.

“We already spent ₱48 million this year and next year, we will be spending ₱97 million. So, in total, we will be spending ₱135 million on this nuclear agenda but we don’t know whether the President wants to pursue it or not. Then, we get a signal from his trip that this might be unconstitutional,” ani Gatchalian.

Tugon naman ni Cusi, ang nuclear program agenda ay bahagi ng mandato ng DOE na maghanap ng posibleng pagkunan ng enerhiya at kabahagi din ng kanilang energy security plan.

Dinipensahan pa ni Cusi ang pondo para sa nuclear program sa pagsabing kailangan nilang mag-hire ng consultants experts para magsagawa ng pag-aaral para dito. (Dindo Matining)