Gatchalian sa NBI, PNP: Mga online scammer tugisin

Hiniling ni Senador Sherwin Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na hanapin ang mga online scammer na nakapanloko at kumita sa panahon ng lockdown.

Kailangan umanong palakasin ng gobyerno ang online presence ng mga awtoridad para sa proteksyon ng publiko laban sa mga online scam at iba pang cybercrime.

Ayon kay Gatchalian, vice chairman ng Senate committee on economic affairs, dapat magkaroon ng istriktong online monitoring gayundin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga online scam para hindi mabiktima ang publiko ng mga kawatang ito.

Nauna nang iniulat ng NBI Cybercrime Division na tumaas ng 100 porsiyento ang mga cybercrime activity sa bansa noong Abril, partikular ang online scam.

Kasabay nito, nanawagan si Gatchalian sa publiko na maging maingat sa pagbibigay ng kanilang personal data online lalo kapag may kinalaman sa credit card o money transfer.

“Sa panahon ng pandemya na ang lahat ng Pilipino ay nakatutok sa internet dahil sa umiiral na community quarantine at social distancing, maraming sindikato ang nagsasamantala upang makapanloko para sa sarili nilang kapakanan,” ani Gatchalian.

“Kaya dapat paigtingin pa ng ating mga awtoridad ang pagbabantay sa iba’t ibang bagong scam na magsusulputan sa panahon ng pandemya upang maprotektahan natin ang ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Payo pa ni Gatchalian sa publiko, suriing mabuti ang mga email sender address, maging maingat sa pabubukas ng mga attachment mula sa unknown source at maging mapagduda sa mga tumatawag para i-verify ang anumang mahahalagang impormayon.

Kailangan ding i-secure ng publiko ang kanilang browser at magbuo ng back-up para sa mahahalagang file sa oras na mabiktima ng cyberattack. (Dindo Matining)