Atty. Claire,
Good day po! May konti lang po katanu­ngan. Gusto po ibenta ng nanay ko ang a­ming bahay at lupa. Sa aking tatay at nanay nakapangalan ang titulo pero namatay na ang aking tatay noong 2009. Ano po ba ang dapat gawin? 4 ka­ming magkakapatid na nasa tamang edad na. Paano po kung ayaw pumirma ng iba kong kapatid?
Sana po matulu­ngan nyo kami.
Maraming salamat,
Victor

Mr. Victor,
Hindi kaagad maibebenta ng nanay mo ang ari-arian kung ayaw pumirma ng isang kapatid mo dahil siya ay may parte na rin sa lupa dahil sa tagapagmana siya ng tatay mo.

Kung hindi kayo magkakasundo ay maaaring magsampa kayo ng Petition for Judicial Settlement of Estate na may kasamang hiling sa korte na gawing administrator ang nanay mo ng mga ari-ariang naiwan ng tatay ninyo.
Sa kaso na iyan ay maaaring iutos ng korte na hatiin ang ari-arian sa inyong mga tagapag-mana ng naaayon sa batas. Ang kalahati niyan ay mapupunta sa nanay ninyo bilang share niya as co-owner ng ari-arian. Ang kalahating parte ng tatay mo ay hahatiin ninyo sa lima nang pantay-pantay kasama pa rin ang nanay ninyo bilang tagapagmana ng tatay ninyo.

Kung ayaw ng isang kapatid na ibenta ang lupa ay maaari niyo siyang kausapin na bibigyan niyo siya ng parte ng lupa na may sukat ayon sa batas at ang matitirang parte na lamang ang siyang ibebenta niyo. Ngunit kung hindi pa rin magkasundo kayong mga tagapagmana ay napapanahon na magsampa ng sinasabi kong petition.
Tandaan na hindi naman mapipigil ang kagustuhan niyong ibenta ang lupa ‘yun nga lamang ay ibigay niyo ang parte o ang share ng kapatid na ayaw sumang-ayon sa bentahan.
***
Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.