Ang daming umaray nitong nakalipas na mga araw sa iba’t ibang isyu tulad ng pagpalag ng pinuno ng kapulisan na si Director General Oscar Albayalde kaugnay sa isang sikat na programa sa telebisyon.
Sa tagal ng panahon na ipinapalabas ang ‘Ang Probinsyano’ ni Coco Martin aka Cardo Dalisay, aba’y ngayon lang nagreklamo si hepe Albayalde. Katunayan, nakailang palit na nga ng programa ang mga katapat nito sa kabilang TV station. At sa malamang sasama ang loob ni Marlo Dalisay, media officer ni senador Ping Lacson na dating PNP chief kapag pinagbawal ang apelyidong Dalisay sa teleserye.
Ilang pulis scalawags na ang nakasagupa ng probinsyanong pulis na si Cardo pero walang imik ang kapulisan. Pero nang ang karakter na ng hepe ng pulisya sa ‘Ang Probinsyano’ ang ginawang kontrabida, ayun, umaray na ang tunay na hepe ng PNP.
Hindi raw kasi gusto ni Albayalde na magmukhang masama ang hepe ng kapulisan kahit na TV show lang dahil malayo raw na mangyari ito sa tunay na buhay. Bukod doon, hindi rin type ni PNP chief na nag-ala-vigilante na si Cardo para makakuha ng hustisya.
May ibang nag-iisip na mukhang masyadong ‘balat-sibuyas’ si Albayalde at masyadong siniseryoso ang programa na ‘kathang-isip’ lang. Mayroon ding nagsasabi na baka fan ni ‘Victor Magtanggol’ si PNP chief.
Pero sabi ng ating kurimaw na nakikipanood lang ng TV sa kapitbahay, dapat isipin din kung saan nanggagaling ang hugot ni Albayalde. Aba’y katakot-takot na nga naman ang ginagawa nilang hakbang para maibangon ang imahe ng kapulisan, tapos may mapapanood ang mga tao na walang hiya ang pinaka-boss ng mga pulis, na kahit kathang-isip lang ay puwedeng isipin ng mga tao na maaaring nangyayari sa tunay na buhay.
Bakit hindi na lang baguhin ang takbo ng istorya sa programa at gawing hepe ng pulisya si Cardo? Tutal naman eh hindi siya mamatay-matay. Tiyak na matutuwa dito si Albayalde, lalo na kung magkakaroon ng pelikulang ‘Hepe: The Albayalde Story,’ na ang bida eh si Coco.
***
Marami rin ang umaray sa hatol na guilty ng Sandiganbayan kay dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos sa kasong graft kaugnay ng kanilang mga foundation na pinagkakitaan umano.
Kahit nga ang pamilya Marcos eh umaray sa naturang desisyon. Pero ang mga kritiko nila, naging ‘hilaw’ ang tuwa dahil hindi naman naaresto at hindi rin naipakulong ang dating Unang Ginang. Katunayan, muli pa siyang pinayagan ng anti-graft court na makapagpiyansa kaya sorry na lang sa mga umaasang may makikita silang ‘Imeldefic’ prisoner sa Correctional.
Umaaray din ang ibang nagtataguyod sa ‘patas’ na pagpapatupad sa batas dahil may nagsasabing malabo nang makulong si Imelda dahil sa edad nito. Tanong nila, bakit ang mga mahihirap na matatanda eh hinahayaang makulong? Bukod dito, hinayaan din na wala si Imelda sa korte sa araw nang basahan siya ng hatol sa dahilan na may sakit umano. Ang kaso, nakita naman daw siya sa party ng anak na si Imee. Gaya ng ‘Ang Probinsyano,’ hintayin natin kung ano ang ending ng kaso ni Imelda kung magkakaroon man.
***
Isa pang inarayan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang legal ang Memorandum Order (CMO) No. 20, series of 2013 ng Commission on Higher Education, nag-aalis sa Filipino at Panitikan general education curriculum sa kolehiyo.
Reklamo ng mga tutol sa memo, kawalan ng pagmamalasakit at pagmamahal sa sariling wika ang kautusan. Sa halip na alisin, dapat pa nga raw palawakin at pagyamin ang paggamit ng sariling wika.
Wrong timing pa ang pagkakaanunsyo na ituturo na sa ilang piling paaralan ang wika ng Korea. Aba’y bakit nga naman isusulong ang paggamit ng dayuhang wika sa mga mag-aaral, habang ang sarili nating wika, nililimitahan ang paggamit? Kung ngayon eh maraming Pinoy ang ‘barok’ mag-Ingles at barok ding mag-Filipino, abangan natin sa susunod ang mga barok mag-Koreano. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”