Gawing inspirasyon sina Yulo, Petecio

Magandang senyales para sa bansa ang pagkakapanalo sa buwang ito nina male artistic gymnast Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo at female boxer Nesthy Petecio sa magkahiwalay nilang kompetisyon sa abroad.

Isang buwang mahigit na lang host ang ‘Pinas ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa pang-apat na pagkakataon sa parating na Nobyembre 30-Disyembre 11 sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Sigurado akong may dalang momentum at motibasyon sina Yulo at Petecio para sa mga kapwa nila atleta o manlalaro sa national team, na gaya nila ay lalaban pa sa parating na 11-nation, 12-day biennial sportsfest.

Hinuhulaan pa nga ni Gymnastics Association of the Philippine secretary general Bettina Pou, na yaka ni Caloy, 19, at tubong Maynila, ang 7 SEA Games gold medals, kasama na siyempre ang sa pet ni Yulo na floor exercise, kung saan nadale niya ang tagumpay sa 49th FIGWorld Gymnastics Championships 2019 sa Stuttgart, Germany nitong Oktubre 4-13.

Sinabi naman ni Association of Boxing Alliances in the Philippines secretary general Edgad Genaro ‘Ed’ Picson, na patok din si Petecio, 27, ng Sta. Cruz, Davao del Sur, sa featherweight division na pinamayagpagan niya sa 11th AIBA World Women’s Boxing Championships 2019 sa Ulan-Ude, Russia nitong Okt. 3-13.

Para sa mga atleta nating lalaban sa SEA Games, gawin ninyong inspirasyon, tuntungan din ng tagumpay ang nagawa nina Yulo at Petecio.

Pilitin ninyong mapanaginipang umakyat din kayo ng entablado at sinasabitan ng gold sa inyong leeg.

Siyempre dapat pa rin kayong magpapakahirap at sakripisyo sa training, gumawa lagi ng kabutihan, na parang nag-iipon ka sa alkansiya, na ‘pag napuno na aapaw.

Parang ulan na galing sa dagat na nag-e-evaporation lang. Kung ano tinatanim natin, ‘yun ang ating aanihin natin.

Sina Caloy at Nesthy grabe ang mga pinaghirapan. ‘Di sumuko hanggang marating nila ang rurok ng tagumpay. Kung kinaya nila, kaya niyo rin, natin yan.