Gay personality super buntot sa aktor

tonite-no-thanks-cristy-ferminNang-agaw ng aten­siyon ang sobrang kakulitan ng isang gay personality sa isang party. Palagi niyang sinusundan-sundan ang isang aktor na mabuti na lang at edukado kaya hindi siya pinapatulan.

Kahit saan magpunta ang aktor ay sumusunod sa kanya ang gay perso­nality, binabawal na siya ng kanyang mga kaibigan at katrabaho, pero sige-sige pa rin siya sa pagbuntot sa aktor.

Kuwento ng aming source, “Alam n’yo, kung wala lang pinag-aralan ‘yung aktor, e, baka nakatikim na sa kanya ang becking ‘yun! Imagine, kahit saan siya magpunta, talagang kinukulit siya nu’ng bading!

“Nagte-table hopping na tuloy ang aktor, palipat-lipat siya ng lugar, pero ayaw pa rin siyang tantanan ng becking komed­yante!” simulang kuwento ng aming impormante.

Hindi maganda ang tabas ng dila ng gay comedian kapag nakakainom. Bukod sa may kakulitan na siya ay palaaway pa. Kahit sino na lang ay binabangga niya kapag nasasayaran na ng alcohol ang kanyang lalamunan.

“Ganu’n mismo ang nangyari nu’ng binubuntutan niya ang male personality na anak ng isang magaling na aktor. Naiinis na sa kanya ‘yung lalaki, timping-timpi nga lang, pero talagang kinukulit pa rin siya ng gay personality.

“Naku, tantanan na niya ang kagaganyan dahil baka makatagpo siya ng lalaking pikon! Baka ­bigla na lang siyang sapakin nang dahil sa kabubuntot at kakukulit niya!

“Palagi na lang siyang ganyan porke nakalulusot siya. Makakatagpo rin siya isang araw ng lalaking hindi makapagtitimpi sa kanya, siguradong mangyayari ‘yun, wait lang tayo!” naiinis pang kuwento ng aming source.

***
The OPM Hitmen, Dulce nagkakasundo sa bosesan

Sa Sabado nang gabi na ang pagbabalik-Music Museum ng The OPM Hitmen. Pagkatapos nilang mag-perform sa iba-ibang lugar dito at sa ibayong bansa man ay muling mapapanood ang grupong kinabibilangan nina Richar­d Reynoso, Renz Verano, Chad Borja at Rannie Raymundo sa Music Museum.

Tatlong taon na ang nakararaan ay dalawang shows ang ginawa nila sa Music Museum, jampacked ang concert hall, may sariling fan base na kasi ang The OPM Hitmen.

Ni-revive na ng mara­ming singers ang mga pinasikat nilang kanta, pero ang kanilang atake pa rin ang hinahanap ng ating mga kababayan, pana­long-panalo sa entablado ang grupo na hindi lang basta kumakanta kundi nagpe-perform talaga.

Special guest ng The OPM Hitmen ang Asia’s Diva na si Dulce. Wala nang kuwestiyon sa ga­ling ni Dulce, kapado na nila ang bawat isa, sa tinginan nga lang ay nagkakasundo na ang kanilang bosesan.

Ilang beses nang ipinagpo-produce ng Backstagepass Productions ang grupo, ang The OPM Hitmen ang mga singers na hindi nagbibigay ng problema sa kanilang producers, lutang na lutang ang kanilang professionalism dahil sobrang mahal nila ang kanilang trabaho.

“Bagung-bago po ang mapapanood nila sa Saturday, puro bagong areglo ang gagamitin namin, pero hindi siyempre mawawala ang mga songs na tumatak sa mga kababayan natin mula sa aming apat,” sabi ni Richard Reynoso.

Ang “The OPM Hitmen Live!” ay mula sa direksyon ni Joey Nombres, sa ilalim ng kanilang musical director na si Jason “Juno” Cabato, kasama ang ASOP Band.

Maraming-maraming salamat sa aming mga kaibigan sa pagsuporta sa concert mula sa pusong salamat kina Tita Dolly Salcedo at Jeff Oreta (Baliwag Lechon Manok-Liempo), Judge Eugene Paras at Attorney Nuel Gatcho (Nuel Café), Mr. Elmer Ngo (Mileage Asia Corporation at Elm’s Kapihan & Bar), Mr. Roi de Leon (Livergold ng Better Option Pharmaceutical, Inc.), Mr. David Chan at Abel Cambe (Black Beauty Shampoo & Conditioner ng Manyip Corporation), Mama Fely dela Cruz (People’s G­eneral Insurance) at kina Tito Henry at Tita Lily Chua (Lucky 7 Koi Productions).