Namimigay ng gift certificate at iba pang insentibo ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga traffic enforcer na nagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa mga lugar na kanilang binabantayan.
Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, kada linggo sila namimigay ng gift certificates sa mga traffic enforcer na gumagawa ng paraan para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa kanilang nasasakupan.
Bukod dito, nagbibigay din sila ng award sa mga empleyado na nagpapakita ng dedikasyon at katapatan sa kanilang trabaho.
Gayunman, may mga nasampulan din sila sa mga personnel na nasasangkot sa katiwalian sa kalsada.
Marami din umano ang naparusahan dahil sa hindi pagre-report sa kanilang trabaho.
“From May 24 up to August 18 of this year, 12 personnel were dismissed from the service, two got suspended, 22 were terminated for cause, 77 job orders were not renewed for cause, and 10 were dropped from rolls due to their absence without official leave,” paglalahad ni Lim.
Kinumpirma din ng MMDA chairman na 12 nilang personnel ang nasuspinde habang tatlo ang tinanggal sa trabaho matapos na bumagsak sa isinagawa nilang random drug test.