GCQ may health protocol pa rin

Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga safety at health protocol sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine (GCQ) simula sa Mayo 1.

Ito ang inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez sa panayam sa radyo nitong Miyerkoles kung saan ibinahagi nito na inaayos na ang mga guideline para sa mga negosyong magbubukas sa mga lugar na isasailalim sa GCQ.

Ayon kay Lopez, bahagi ng safety at health protocol ay ang kontroladong pagpasok ng mga tao sa mga mall at magpapatupad din ng temperature checking at sanitation.

Hindi naman obligadong magpa-COVID test ang mga empleyadong magtatrabaho sa mga magbubukas na negosyo sa mga lugar na nasa GCQ.

Samantala, ipinahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sisiguraduhin ng gobyerno na walang tatambay sa mga mall sa ipatutupad na `new normal’ sa mga lugar na masasakop ng GCQ.

Sinabi ni Roque na batay sa rekomendasyon ng DTI, iinitan ang temperatura ng airconditioning system ng mga mall para hindi mag-istambay ang mga tao, bilang bahagi pa rin ng precautionary measure laban sa coronavirus disease 2019.

“Ang malls, ang mga restaurants take out pa rin, wala pa ring kainan, wala pa ring sine, tapos iinitan ang aircon ng hindi tumambay ang mga tao,” ani Roque.

Magpapatuloy aniya ang compulsory temperature check at paggamit ng alcohol habang nasa mall ang mga tao sa sandaling magsimula na ang mga pagluluwag sa mga lugar na isasailalim sa GCQ simula Mayo 1.

Sinabi ni Roque na sarado pa rin ang mga gaming sa mall, pati ang mga kainan na mayroong buffet dahil sa mga ganitong lugar nagkukumpulan ang maraming tao. (Aileen Taliping/JAT)