Hindi pabor si Senate President Vicente `Tito’Sotto III na ipatupad ng sabay-sabay ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon.

“Kung ako ang tatanungin, kung susundin ko `yung mga report ng mga health experts, hindi ko pa rin papayagan `yung GCQ over all, hindi pwede, hindi siguro,” pahayag ni Sotto sa panayam sa CNN Philippines.

Ayon kay Sotto, sang-ayon siyang isailalim sa GCQ ang ibang lungsod sa Metro Manila na mababa ang kaso ng COVID-19 subalit kung mataas pa rin, dapat lang na hindi tanggalin ang ECQ.

“Siguro modified sa ibang lugar, `yung mga kaunti lang `yung mga apektado, at saka `yung mga sumusunod talaga sa mga patakaran, ganoon siguro. Pero `yung ibang area na medyo malala pa, based on the statistics, ng mga numbers ng mga experts, hindi pa puwede,” ani Sotto.

“Puwedeng mag-GCQ sa ibang mga area. Pero kung hindi, hindi sila nakakasiguro, may second wave pa, we will be best advised na ECQ pa rin,” dagdag pa nito.

Nauna nang nagrekomenda ang mga Metro Manila mayor ng tatlong quarantine option habang papalapit na ang pagtatapos ng ECQ sa Mayo 15.

Isa sa mga opsiyon ng Metro Manila Council ay palawigin ang ECQ ng panibagong dalawang linggo para para makonttrol ang coronavirus disease.

Inirekomenda rin ng konseho sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang paglipat sa GCQ mula sa ECQ, at ang pagkakaroon ng modified community quarantine, na kumbinasyon ng ECQ at GCQ sa ilang lugar sa Metro Manila.