SELF-CONFESSED K-Pop fan si Janice de ­Belen, kaya sobrang tuwa siya nang malaman niyang kasama siya sa cast ng My Korean Jagiya.

Pero, gustuhin man niya, hindi siya nakasama sa taping sa South Korea.

“Noong una, excited ako. Nagpiprisinta talaga ako na sumama sa Korea. Gustung-gusto ko siyempre, pero nang tanungin ko kung kailan ang punta nila, ayoko na.

“Nataon kasing summer sa Korea. Eh tayong mga Pinoy, kapag magbabakasyon tayo, mainit na kasi rito sa atin, kaya dapat sa malamig na lugar tayo pumunta,” sabi niya.

Pero sana raw, bago matapos ang My ­Korean Jagiga ay mag-taping uli ang kanilang series sa South Korea at ipipilit niya na makasama na siya.

“By that time, mala­mig na sa Korea!” sey pa ni Janice.

Fave Korean actor ni Janice si Lee Soo Hyuk, at kapag katsikahan niya si Alexander Lee na leading man ni Heart Evangelista sa My Korean ­Jagiya ay nagtatanong siya tungkol dito.

Janice De Belen
Janice De Belen

Bago pa niya nakatsikahan ang Korean actors na kasama sa kanilang series ay alam na ng mga ito na K-Pop fan siya dahil na-brief na ang mga ito.

“Si Alexander kasi, mas bata sa ibang Korean na kasama sa cast, kaya siya, natatanong ko about Lee Soo Hyuk, pero ‘yung basic lang naman ang natatanong ko.

“Hindi ako nagta­tanong ng kung anu-ano, hindi rin naman sila pala­kuwento. Reserved sila masyado.

“Si Madam Kim (Michelle Oh) naman, kapag nagkakausap kami, tungkol sa pamil­ya ang napagkukuwen­tuhan namin. Mga ganoon lang,” sey ni Janice.

Bilib siya sa ­Korean actors na kasama nila sa series dahil kumakain din ng Filipino food ang mga ito.

“Pati nga bagoong, isinerve sa kanila at kinain naman nila. Nakakatuwa sila. Pero siyem­pre kapag nasa set kami, may kimchi rin,” dagdag ni Janice.

Katulad ni Janice, K-Pop fan din ang kapatid niyang si Gelli de Belen­ at kahit nasa cast ito ng La Luna Sangre ng ABS-CBN, nagsabi sa kanya ang misis ni Ariel ­Rivera na dadalaw ito sa set kapag sa Metro Manila area lang ang set nila.

“Gustong pumunta ni Gelli,” sey ni Janice.

Samantala, pinansin namin ang pagiging blooming ni Janice at marami rin ang nakakapansin ng patuloy niyang pagpayat.

Meron ba siyang special someone?

“Sanay na akong walang boyfriend, ­kaya hindi na kailangan. Hindi naman kailangang magka-lovelife pa ako ­para maging blooming,” sey pa ni Janice.