Kaye Dacer
Ilang araw na lang at sasalubungin na naman natin ang isang Bagong Taon.
Ilang araw na lang at mamaalam na tayo sa 2018.
Sa hanay ng mga opisyal natin sa gobyerno, partikular sa pulisya, marami sa kanila ang nagpakitang-gilas sa kanilang tungkulin.
Siguro naman ay walang kokontra pag binanggit ng inyong lingkod si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Eleazar bilang isa sa mga ‘best performer’ sa hanay ng Philippine Natonal Police (PNP) na lumutang ang performance sa pagganap ng kanyang tungkulin.
Hindi lang sa giyera kontra sa kriminalidad ang tinarget na gampanan ni General Eleazar. Gusto niya, bukod sa sinisiguro na nila ang seguridad ng mga mamamayan para hindi maging bikima ng iba’t ibang krimen ay magiging magaan din ang kanilang pamumuhay.
Tulad na lang noong siya ang pinuno sa Quezon City Police District (QCPD), isa sa mga una niyang ginawa ay ang pababain ang bayad sa pagkuha ng police clearance.
Alam kasi ni General na karamihan sa mga kumukuha ng clearance ay mga aplikante sa trabaho. Mga naghahanap pa lang ng trabaho kaya dapat hindi na makadagdag sa kanilang problema sa gastusin ang mataas na police clearance fee.
At dahil diyan, marami naman po talaga ang natuwa at nagpasalamat sa ating Mamang Pulis.
Brainchild po niya ang slogan na Proud to be QCPD kaya naman dapat ay ipagmalaki rin ng distrito na puro matitino at masisipag ang mga pulis-Kyusi.
Ang nais ni General. Respetuhin ang mga pulis dahil buwis-buhay ang ginagawa nilang paglilingkod sa bayan. Pero aminado naman si Sir na may mga bulok sa kanilang hanay kaya todo-linis din naman ang ginawa niya laban sa mga pasaway nilang miyembro.
Para kay General, purihin at parangalan ang mga matitino at masisipag na pulis at parusahan at kung kailangan ay walisin palabas ng kanilang hanay ang mga pasaway na inaabuso ang kanilang uniporme para sa pansarili nilang interes.
Naging tinik din si General sa mga pasaway at bulok na pulis sa Region 4A. Maiksi lang ang naging termino ng Mamang Pulis sa Region 4 pero nag-iwan naman siya ng marka sa mga lalawigan na kabilang dito.
Matindi ang intelligence network ni General Eleazar kaya sandamakmak na wanted na kriminal ang nahukay ng kanyang mga tauhan sa mga pinagtataguang lungga ng mga ito. Kalaboso ang mga kolokoy matapos magtago sa batas sa loob ng napakatagal na panahon.
Para sa mga pamilya ng mga biktima ng krimen, hulog ng langit sa kanila ang heneral na ito dahil totoo raw palang may hustisya pa.
Sa kanyang liderato rin umiral ‘yung direktang nakakapagbigay ng impormasyon ang netizen sa mga hinihinalang pusher o gumagamit ng iligal na droga sa kanilang rehiyon. Pag confirmed ang info, action agad ang ating Mamang Pulis.
Paglapag niya sa NCRPO noong Hunyo 1, hindi lang mga kriminal kundi mga kapwa niya pulis ang nahagip ng kanyang pagiging disiplinado sa serbisyo.
Iba ang pulis na ito kaya huwag kayong pa-easy-easy lang mga Bok. Kung baga sa prutas eh isang malaking pinya itong si General na maraming mata sa paligid. Nakikita niya ang mga good at bad sa kanilang hanay. Ramdam niya kayo.