Generals sa chopper crash: 1 ligtas na, 1 comatose pa

Nasa maayos na kalagayan na ang isa sa dalawang police generals na kabilang sa helicopter crash sa Laguna nitong nakaraang Marso, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa kahapon.

Ayon kay Gamboa, kasalukuyan nang sumasailalim sa rehabilitation treatment si Major General Mariel Magaway.

“Actually gising na (Maj. Gen. Magaway) at nag-undergo na siya ng mga physical therapy at occupational therapy, and then yung mga reactions niya pati yung kanyang perception sa brain all are normal. He can recall, nakakausap na siya paminsan minsan,” pahayag ni Gamboa sa isang panayam sa radyo.

“As for Maj. Gen. Ramos, yun pa rin, comatose pa rin siya. Nakakalungkot talaga. We are still praying he will be able to recover,” dagdag pa ni Gamboa.

Bukod sa dalawang heneral ay kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitation process ang dalawang piloto ng helicopter na sina Lt. Col. Roel Zalatar at Lt. Col. Rico Macawili, gayundin ang crew member na si Senior M/Sgt. Luis Estona.

“Yung 2 piloto saka yung isang crew are still undergoing rehab, kasi kagaya nung co-pilot at saka yung isang crew, may tama sa spine,” saad ni Gamboa.

Matatandaang dakong alas- 8:00 ng umaga nitong Marso 5 nang maganap ang helicopter crash kung saan lulan din si Gamboa at PNP Spokesperson Brig Gen. Bernard Banac matapos itong sumabit sa high tension wire.

Base naman sa isinagawang imbestigasyon, human error umano ang isa sa posibleng dahilan ng pagbagsak ng helicopter dahil sa zero visibility sa lugar bunsod ng makapal na alikabok na bumalot sa paligid nang mag-take off ang helicopter. (Edwin Balasa)