May punto si Armed Forces Chief of Staff Gen. Eduardo Ano na nagsabi na kung talagang sinsero ang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa pagbabalangkas ng isang kasunduan sa pagitan ng rebeldeng grupo at pamahalaan para sa binubuong usaping pang­kapayapaan ay kailangang itigil ng mga ito ang mga buktot nilang gawain kagaya ng extortion at pagsa­lakay sa iba’t ibang establisimiyento.

Ito umano ay upang mapatunayan ng mga ­rebeldeng Komunista ang kanilang katapatan sa pakikipagkasundo sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsusulong sa “peace talks” na matagal nang nauunsiyami dahil sa ilang mga bagay na hindi napagkakasunduan ng magkabilang-panig.

Sa isang depenitibong paliwanag, kailangang mas pagtibayin ang tinatawag na “gentleman’s agreement” sa pagitan ng gobyerno at nasabing rebeldeng grupo upang maiwasan ang pagsiklab ng mas mabigat na problema sakaling isa man sa kanila ang lumabag sa kasunduang iyan.

Pero ang pakiramdam nga ng ating Hukbong Sandatahan ay tila dehado sila sa mga rebelde, dahil sa likod ng pakikipagnegosasyon ng mga ito sa pamahalaan ay nagpapatuloy naman ang kanilang mga ilegal na aktibidades sa mga lalawigan. Ang pakiramdam ­tuloy nina Gen. Ano ay mukhang hindi seryoso ang mga rebeldeng Komunista sa isinusulong na peace talks.

Siguro kailangang magkaroon pa ng mas dibdibang pag-uusap o negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng NPA, upang mapagtibay nila ang isang kasunduan na habang nagpapatuloy ang usaping pang­kapayapaan. Nararapat lamang na itigil din ng rebeldeng grupo ang kanilang mga masamang gawain.

Naniniwala tayo na walang hindi mapagkakasunduan sa isang “ma-boteng usapan” pero paalala lang: “drink moderately”. Isang maayos na usapan at kasunduan ang kailangan para na rin sa ikabubuti ng ating bayan at mamamayan.

***

Pinawi ng Defense Ministry ng bansang Tsina ang pangamba ng ilang mga bansa, kabilang na ang Pilipinas kaugnay sa pinag-aagawan at pinagtatalunang “South China Sea”. Matapos maglabasan ang mga ulat na nagtatayo umano ng konstruksiyon ang China ng tinatawag na “man-made islands” sa ­nasabing lugar.

Nilinaw ng tagapagsalita ng Defense Ministry ng China na si Wu Quian na walang katotohanan ang ­pangamba ng mga bansang umaangkin sa South ­China Sea kabilang na ang mga bansang Brunei, Malaysia, Pilipinas, Taiwan at Vietnam na mayroong itinata­yong artipisyal na isla ang Tsina.

Sa katunayan, ayon pa kay Wu Quian, na kung mayroon mang tinatayong istraktura sa nasabing lugar. Ito ay para lamang sa mga sibilyang nagtatrabaho sa kanilang sariling teritoryo.

Kabilang na, aniya,­ rito ang mga paliparan, daungan ng mga barko at iba pang pasilidad. Kung saan, sinabi pa ng tagapagsalita­ na nagkaroon lamang ng tinatawag na “misunderstanding” sa isyung ito.

Natakot kasi itong mga bansang umaangkin din sa South China Sea na baka mayroon na naming pani­bagong “gimik” itong mga Intsik sa China Sea. At ang pakiramdam nila ay baka isang araw ay magi­sing na lang sila at mayroon ng siyudad sa pinagta­talunang teritoryo.

Ang masasabi lang natin diyan. “Don’t panic at walang basagan ng trip”, huwag kayong mangingialam. Kahit pa magtayo sila doon ng pagawaan ng siopao, bola-bola man o asado, hangga’t nasa loob ng kanilang teritoryo, hindi tayo dapat makialam ­para walang gulo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)