Gerald-Bea, naunsyami ang promo sa WALK OUT ni Vice Ganda

Gerald Anderson at Bea Alonzo

AS of press time, hindi pa rin kami sinagot ni Vice Ganda sa pinadala naming mensahe sa kanyang Twitter account.

Hiningan namin siya ng sagot kung totoong nag-walk-out siya sa taping ng Gandang Gabi Vice nu’ng nakaraang linggo.

Sabi sa amin ng aming source, replay lang ang inere ng GGV dahil sa hindi natuloy ang taping nito.

Nasilip namin ito kamakalawa ng gabi, mukhang replay nga kung saan guests niya sina Liza Soberano at Enrique Gil.

Ayon sa kuwentong nakarating sa amin, guests dapat sa episode na iti-tape nila ay sina Bea Alonzo at Gerald Anderson para sa promo ng pelikula nilang How To Be Yours.

Ang usapan daw ay 5:00 PM ang oras ng roll, pero 3:00 PM pa lang ay dumating na si Vice Ganda.

Ang gusto raw ni Vice ay mag-roll nang maaga dahil may lakad daw siya.

Vice Ganda
Vice Ganda

Nag-aayos pa raw ang production staff dahil nakatono na silang 5:00 PM magsisimula.

Namataan daw ni Vice sa studio na inaayos pa ang LED TV na tila nasira yata.

Sinabihan daw niya ang staff na 10 minutes, kung hindi pa maayos ang wide-screened TV sa set, aalis na siya.

Paglagpas ng sampung minuto, sinabihan na raw niya ang staff na aalis na siya.

Tinotoo niya ang banta nito kaya hinabol pa raw ng EP nito para pakiusapan pero tumuluy-tuloy raw siya talaga.

Ang narinig pa namin, irita raw ang Star Cinema kay Vice dahil naunsyami ang promo ng kanilang pelikula.

Wala kaming paraan para makontak si Vice Ganda kaya idinaan na lang namin sa kanyang Twitter account, pero hindi pa niya kami sinasagot.

Ewan kung papatulan niya ang naturang isyu.