LizQuen binasura: Gerald malakas ang padrino

NI: ARCHIE LIAO

Ready na si Gerald Anderson sa pagbabalik ng teleserye niyang “A Soldier’s Heart” .Pansamantalang nahinto ang airing at taping nito dahil sa pandemyang dala ng COVID-19.

Dahil hindi pa nareresolba ang usapin ng ABS-CBN sa renewal ng prangkisa nito, sa cable TV o sa Kapamilya channel ito mapapanood.

Gayunpaman, excited si Gerald sa pagbabalik ng kanyang TV show sa ere.

Sa Instagram niya, may cryptic video siya na may caption na “Reporting for duty!! Magbabalik na kapamilya”.

Hirit naman ng ilang bitchy netizens, dapat daw ang teleseryeng “Make It With You” ng LizQuen o ang star-studded na “Pamilya Ko” nina Sylvia Sanchez at JM de Guzman ang ibinalik .Hindi raw dapat ang teleserye ni Ge dahil kulelat umano ito sa ratings kumpara sa dalawa.

Mahirap din daw na ipagpatuloy ang taping nito dahil kalimitan ng eksena nito ay outdoors . Malaki raw ang crowd na kailangan nito sa ‘new normal’ kung saan required ang physical distancing.

Depensa naman ng ilan, marahil daw ay mainam na dahilan ang management kung bakit ang naturang show ang ibinalik. Baka raw marami namang naibangkong episode ang nabanggit na action-drama series.

Hindi rin daw sila naniniwala na may padrino si Ge sa Kapamilya channel o mas paborito siya ng management kaya ang show niya ang pinaboran.