Gerald tsugi sa ‘ASAP Amerika’

Kinumpirma ng isang source namin na hindi na kasama si Gerald Anderson sa show ng “ASAP Natin ‘To” sa Bay Area sa Amerika this weekend.


Originally ay kasama si Gerald sa lineup ng Kapamilya stars na magsu-show sa SAP Center sa San Jose, California pero ang latest ay hindi na raw pinasama ang kontrobersyal na aktor para iwas-intriga.


Sa August 3 ng hapon (US time) ang show, na kung hindi na tuloy si Gerald ay sure namang darating ang mag-ex na sina Julia Barretto at Joshua Garcia.


Doon sana sila magkikita-kita pagkatapos pumutok ng kontrobersya at malamang magkaroon ng awkward moment, pero iniwasan na ‘yon ng Star Magic so waley nang Gerald na darating.


Hindi kasama sa guests ng “ASAP” sa Bay Area si Bea Alonzo, pero nandu’n ang ‘supporters’ nito na sina Angel Locsin at Paulo Avelino, na kung natuloy si Gerald ay makikita rin sana nito roon.


Ang dalawang ex ni Gerald ay kasama rin sa show, sina Maja Salvador at Kim Chiu. Guest din ang isa pang na-link kay Gerald na si Pia Wurtzbach.
Ang saya-saya, ‘di ba?


Kaabang-abang kung magtsitsika-tsika ba roon sina Julia at Pia bilang nag-follow si Julia kay Pia sa Instagram nu’ng pumutok ang Bea-Gerald-Julia issue.


At kung mag-iisnaban ba sina Angel at Julia, na balitang nag-unfollow-han naman sa IG dahil din sa issue.


May bagong show na ipu-promote si Gerald dahil bida siya sa military series na “A Soldier’s Heart”, na hindi namin alam kung kailan magsisimulang umere at kung anong papalitan nito sa primetime block.


Habang si Bea ay moving forward na at magpapaka-busy sa bago nitong serye at pelikula, patuloy sa paglabas ang kung ano-anong kuwento at blind item tungkol kina Gerald at Julia na nagsimula raw magkamabutihan nang mag-shoot ng pelikula sa Japan.


Nasa Amerika na ang ilang Kapamilya stars na magpe-perform sa “ASAP Natin ‘To” sa Bay Area, hindi lang namin sure kung sabay ang flight ng JoshLia na mukhang malapit na ring mag-promote ng zombie movie nilang “Block Z.”


Bukod kay Pia ay guest din ang isa pang Pinay Miss Universe na si Catriona Gray, at ang mga dating taga-“ASAP” pero matagal nang US-based na sina Carol Banawa at Sheryn Regis.


Kasama rin sa star-studded guests ang Pinoy pride na sina Jasmine Trias (“American Idol”), Jej Vinson (“The Voice US”) at Angelica Hale (“America’s Got Talent”).