Kamakailan lang ay nag-viral ang larawan ng Kapamilya actress na si Bea Alonzo na suot ang two piece blue swimsuit.

Curious ang mga netizen kung ano ang na­ging reaksyon ng dyowa ng aktres na si Gerald Anderson. Li­ngid naman sa kaalaman ni Gerald ang pagiging konserbatibo ng aktres pagdating sa sarili. Lalo na at matagal-tagal din bago naipon ni Bea ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.

Ayon kay Gerald Anderson, nagulat umano siya ng makita ang la­rawan ng dyowa suot ang two piece bikini. Pero naintindihan naman daw umano niya ang layunin ng aktres na makapanghikayat na huwag mahiya sa sarili o magpadala sa sasabihin ng ibang tao.

Marami rin ang nagtatanong kung kailan niya balak pakasalan ang aktres. Inamin niya na hindi pa umano siya handa sa pag-aasawa. Matapat niyang sinabi na nais muna niyang matupad ang mga pangarap niya para sarili.

‘Pag dumating daw ang tamang time pagtutuunan niya rin ng pansin ang pagbuo ng pamilya.

Samantala, nilinaw naman ng Eerie star na si Bea Alonzo na hindi hudyat ang ginawa niyang pagpo-post ng sexy sa kanyang social media account para magbago na siya ng image.

“It’s about body positivity, hindi siya tungkol sa pagpapakita ng skin. It’s about being comfortable with your own body, in your own skin. I also want to promote body positivity and to do it right and not to cut corners,” aniya.

“Gusto kong ipakita na kahit anong shape o kahit anong klaseng pangangatawan, you have to be proud of it,” dugtong pa niya.

Pagbabahagi pa niya, noong bago raw siya sa showbiz, she was tagged as fat at naging biktima ng body shaming at malaki raw ang naging epekto nito sa kanyang perso­nality. Dumating siya sa puntong kinuwestiyon ang sariling kagandahan.

Hirit pa niya, layunin din daw ng kanyang post na makapag-inspire ng ibang tao.

“Gusto kong ma­ging ehemplo sa mga kabataan o sa ibang tao who’s going through the same thing,” paliwanag niya.

Fast forward, change has indeed come para sa magaling na actress dahil she has grown wiser and more confident now.

“I know better now,” giit niya.

“Start ito ng pagi­ging komportable ko sa sariling katawan. I’m an actress, it’s my tool at hindi ko gagawing acting block dahil feeling ko iyong insecurities ko ang magdidikta kung ano ang roles na kailangan kong gawin. At kung paano ko ipre-present ang sarili ko sa mundo,” lahad niya.

Aminado rin si Bea na malaki ang nagawa ng boyfriend na si Gerald Anderson who brings out the beautiful in her para madagdagan ang kumpiyansa niya sa sarili.

Mapapanood si Bea sa Eerie, ang kanyang first horror movie na idinirek ni Mikhail Red kung saan nakipagtagisan siya ng galing sa Asia’s Best Actress na si Ms. Charo Santos.