Nabulabog ang mga kostumer nang barilin ang isang German national ng katabing kostumer sa isang resto bar sa Quezon City, ayon sa report ng pulisya.
Kinilala ni PSSG George Caculba, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Emanuel Guenter Zankl, 44-anyos, German national, taga-No. 12 Concepcion St., Brgy. Bagong Barrio, Caloocan City.
Ang biktima ay inoobserbahan pa sa World Citi Medical Center sanhi ng tinamong bala mula sa di pa batid na kalibre ng baril sa kanang balikat.
Sa naantalang report, ang pamamaril ay naganap alas-9:25 ng gabi noong January 19 sa Bamboo Palm Garden Resto bar sa No. 169 Maginhawa St., Brgy. Sikatuna Village, QC.
Ayon sa kahera ng resto bar na si Ruby Dayao, habang abala sa trabaho ay bigla na lamang umalingawngaw ang isang putok ng baril.
Nagkagulo ang kostumer at nagsitakbuhan palabas at doon ay nakita ng kahera ang biktima na duguang nakahandusay kaya agad nila itong isinugod sa nasabing ospital.
Nakunan naman ng CCTV footage na nakakabit sa carwash malapit sa resto bar ang papatakas na suspek na nakaitim na jacket at pulang sumbrero bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Masusi pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang tinutugis ang gunman. (Dolly Cabreza)