Gervacio bumida, Banko Perlas kuminang

Muling ipinaramdam ng BanKo Perlas ang kanilang lakas upang kaldagin ang Ateneo-Motolite squad, 27-25, 25-19, 25-11, kagabi sa 2018 Premier Volleyball League, (PVL) Season 2 Open Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Bumida ang dating Lady Eagle spiker Dzi Gervacio para sa Perlas na malinis pa rin ang karta sa apat na laro.

Nanaig din ang BanKo noong Sabado laban sa Adamson-Akari, solo sila sa top spot ng team standings, nalasap ng Lady Eagles ang unang talo sa tatlong laro.

“Ginanahan at na challenge ang mga players namin kasi parehas kaming walang talo eh.” saad ni Perlas Spikers coach Dong Dela Cruz.

Umiskor si Nicole Tiamzon ng 17 points mula sa 12 attacks, apat na blocks at isang service ace para pamunuan ang opensa para sa BanKo habang bumakas si Gervacio ng 14 puntos.

Sunod na makakalaban ng Perlas ang Tacloban sa Miyerkoles sa event na suportado ng Sports Vision.