Uuwi ng Milwaukee ang Bucks na lupaypay, walang naipanalo sa dalawang laro sa Toronto.

Naubusan sa double-overtime 118-112 ang Bucks noong Game 3, tinakbuhan muli ng Raptors sa Game 4 nitong Martes 120-102 at nabuhol ang Eastern Conference finals sa 2-2.

Ang top-seeded Bucks, uuwing putol ang sungay at magre-regroup para ipagtanggol ang home court. Bawat laro ay inekisan ng home team sa serye.
Game 5 sa Milwaukee sa Biyernes (araw sa Manila).

Pagkatapos ng six-game winning streak, nadalawahang sunod ang Milwaukee. Isang beses lang tumikim ng back-to-back losses ang Bucks sa regular season – sa Utah noong March 2 at sa Phoenix makalipas ang dalawang araw.

Ang MVP candidate ng Bucks na si Giannis Antetokounmpo, 5 of 8 sa opening frame ng Game 4 – kapantay ng made baskets niya sa Game 3. Pero mula roon ay 4 of 9 na sa kabuuan ng laro ang Greek Freak tungo sa 25 points, may sahog na 10 rebounds.

Nanguna ang 30 points ni Khris Middleton sa Milwaukee.
Mas mukhang ininda ng Bucks ang pagod sa double-overtime loss kumpara kay Toronto star Kawhi Leonard.

Career-high 52 minutes ang nilaro ni Leonard sa Game 3, naka-34 nitong huli at tumapos ng 19 points, 7 rebounds.

Air ball ang first free throw ni Antetokounmpo sa first quarter, sablay din ang unang attempt ni Middleton bago bumawi nang ipasok ang sumunod na walo para tumapos ng 11 of 15 mula sa field. (VE)