Giant network susuka sa dami ng maglilipatang artista-singer

NAGING malaking usap-usapan sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ang maaaring maganap ilang buwan lang mula ngayon.

Siguradong susuka sa dami ng mga maglilipatang personalidad ang isang malaking network. Ang bago nilang variety show ay siguradong mapupuno ng magagaling na singers.

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Paano kaya kapag naglipatan na ang mga stars at singers ng isang station sa kanila? Natural, may maaapektuhan! Sinu-sino kaya ang maiiwan sa bagong bukas nilang show para palitan ng mga bagong lipat lang?

“Naku, survival of the fittest ‘yun! Mawawala ang mahihina para palitan ng malalakas, ang mga talagang pambentang stars lang nila ang hindi mawawalan ng trabaho,” nag-aalala nitong sabi.

Ngayon pa lang pala ay meron nang mga personalidad ng nanganganib na network na humahanap ng tulay para sa kanilang paglipat sa kalabang istasyon.

Sabi naman ng isa pang source sa umpukan, “Natural lang ‘yun! Hindi sila puwedeng basta maghintay na lang! Kailangan nilang magtrabaho, kailangan nilang kumita, kaya talagang kakagat sila sa paglipat.

“Alangan namang buruhin na lang nila ang talent nila kung puwede naman silang lumipat at makapagtrabaho? Ang tanong lang talaga, sinu-sino ang matatapakan sa paglipat nila?

“Kung problemado ang mga stars ng nanganganib na network, siyempre, kinakabahan na rin ang mga datihan sa kabilang network. Siguradong mababawasan ang work nila kundi man mawala na talaga, dahil mas malalaki ang pangalan ng mga magdaratingan sa network nila!” makabuluhang punto ng nasabing source.

Pero hindi pa naman tapos ang laban. Malay naman natin, baka magkaroon pa ng himala, dumarating ‘yun sa iba-ibang paraan.

Kris kinaawaan ang emote sa hamburger

AWANG-awa ang aming mga kaibigan sa mga bagong posts ni Kris Aquino sa social media. Meron siyang mga retrato at video habang kumakain sila ng hamburger sa Amerika ng kanyang mga anak na sina Josh at Bimby.

Hindi nila kinaaawaan ang mag-iina dahil hamburger na lang ang kinakain nila, kayang-kayang bumili ng kahit anong klase ng pagkain si Kris, ang nakaantig sa kanilang damdamin ay ang ginagawang proseso ni Kris tungkol sa pagkukuwento kung paano binubuo at kinakain ang hamburger.

Sabi ng isang kaibigan naming maka-Kris, “Naaawa lang ako sa kanya dahil sa kawalan niya ng show, e, idinadaan na lang niya sa social media ang mga ginagawa nila ng mga anak niya.

“Kinukunan niya ng pictures ang hamburger, pati ang pagbili niya ng bread sa isang grocery, e, documented. Naaawa talaga ako sa kanya. Wala pa rin kasi siyang show where she can showcase everything na ginagawa nilang mag-iina,” seryosong reaksiyon ng aming kaibigan.

Dalangin ng aming mga kaibigan na sana’y magkaroon na ng talk show si Kris ngayong 2020 para du’n niya maidetalye ang mga aktibidad nilang mag-iina kapag nangingibang-bansa sila.

Masyado nang mahaba ang kanyang bakasyon sa telebisyon, maraming-marami nang nakaka-miss sa kanya, totoo naman kasi na anumang nakasanayan na ay hinahanap-hanap ng manonood.

Harinawa.

Apl.de.ap hinahamak, ‘di bagay kay KC

HINDI pa man kinukumpirma nina Apl.de.ap at KC Concepcion ang napapabalitang pagkakaroon nila ng relasyon ngayon ay napakarami nang kumokontra.

Para sa amin ay mababaw ang kanilang dahilan, napakaganda raw ng dalaga para maging girlfriend ng sikat na singer, hindi sapat na basehan ang itsura ng mga taong nagmamahalan.

Puso pa rin ang nagdidikta sa pakikipagrelasyon, hindi ang pananaw ng mga nakasilip lang, kung talagang nagmamahalan sila ay ano naman at nasaan ang problema?

Isa si Apl.de.ap sa mga Fil-Am na nagsulat ng pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo, huwag maliitin ang pangalan at itsura ng singer, kung tutuusin ay mas malaking ‘di hamak ang napatunayan niya kesa kay KC Concepcion.