Gigil ng Pirates inaabangan ng Chiefs

Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12 noon — Perpetual vs. EAC (srs)
2:00 p.m. — Arellano U vs. Lyceum (srs)
4:00 p.m. — San Sebastian vs. JRU (srs)

Masaklap ang pagkatalo ng Lyceum of the ­Philippines Pirates sa huling laro laban sa ­Perpetual Help Altas, 71-68.

Galing sa three-game winning streak ang Pirates bago kinalsuhan ng Altas.

Sa second game mamayang hapon sa The Arena sa San Juan, babangon ang Pirates at ibubuhos ang gigil sa Arellano University Chiefs para pagandahin ang standing sa 92nd NCAA men’s basketball tournament.

Nasa pang-anim na puwesto ang Lyceum sa 3-4 baraha, kasalo ng Arellano sa four-way tie sa second ang Perpetual, defending champion Letran Knights at Mapua Cardinals hawak ang tig-5-2 records.

“We can’t underestimate Lyceum because we can also see how well they’re playing the past few games,” sabi ni Arellano mentor Jerry Codiñera.

Kinaldag ng Chiefs ang College of Saint Benilde Blazers 70-59 sa huling laro.

Magbabanatan sa opener ang Perpetual at Emilio Aguinaldo College Generals.

Kapana-panabik din ang paghaharap nina Nigerian import Bright Akhuetie ng Altas at 6-foot-11 Cameroonian Hamadou Laminou ng EAC.

Sasandalan ng Altas si Akhuetie para hugutin ang four-game winning streak.

Bumanat si Laminou ng 18 points, 16 rebounds at five blocks para itulak ang Generals sa 73-67 panalo kontra San Sebastian Stags.

Magkakaldagan sa third game ang JRU (2-4) at Baste (1-6).