MAY kontrata dapat bilang modelo sa Thailand ang bagong Kapuso heartthrob na si Gil Cuerva, pero hindi siya natuloy doon dahil siya ang napili na maging kapareha ni Jennylyn Mercado sa My Love From The Star ng GMA.

May nag-e-mail lang kay Gil na mag-audition siya at sabi niya, why not?

Nag-try siya at siya ang mapalad na nakuha.

Hindi lang ‘yung modelling gig niya sa Thailand ang sinakripisyo ng Chinitong binata kundi ang modelling career niya as a whole dahil acting na ang focus niya.

Aware si Gil (Guillermo Ernesto Eleazar Cuerva ang kanyang full name) tungkol kay Matteo Do, pero hindi niya alam nu’ng una na karakter ito sa hit Korean series na MLFTS.

Nu’ng nag-audition siya ay minarathon niya ‘yung buong show para malaman niya ‘yung karakter niya and what the show is about.

Alam din ni Gil na si Alden Richards ang original choice para maging leading man ni Jen sa nasabing Kapuso primetime series.

Reaksyon ng Fil-Spanish hunk, “Big shoes to fill. Again, sobrang thankful and honored ako na napunta sa akin ang role.”

Napanood ni Gil ang movie ni Jennylyn with John Lloyd Cruz na Just the 3 of Us at nakita niya rin ang FHM nito noon.

Alam niyang Ultimate Star ng GMA si Jen. Kaya nu’ng makuha niya ‘yung role ay medyo na-starstruck siya na siya ang makakapareha nito.

Very well-mannered, very pleasant at very mabait ang impression ng baguhang binata kay Jen.

Bilang newcomer ay na-starstruck siya sa kanyang leading lady, but as time passed by, nakaya naman niya.

May kissing scene sila ni Jen, na dahil paulit-ulit nilang ginawa ay ina­bot ng 9 takes.

Wala kasing ma-feel si Direk Joyce Bernal sa halikan nila at nakita nitong nahihiya pa sila sa isa’t isa.

Inamin ni Gil na nahihiya pa siya nu’ng umpisa, pero pagtagal-tagal ay mas naging komportable na siya.

Ang suwerte niya, huh!

First project niya pa lang, nakahalikan na niya agad si Jennylyn Mercado.

“Opo. Sobra po. This entire show, malaking blessing po sa akin,” pakli ng binata.

Puwede kayang mainlab si Gil sa isang girl na 9 years ang tanda sa kanya?

“Siyempre, depende naman sa girl, ‘di ba? Age doesn’t matter.”

Kung si Jen ay walang Dennis Trillo, posible kaya?

“I don’t know. Kasi, focus lang ako now sa whats’s real,” ang walang kashowbisang sagot ni Gil.

In fairness ay naseseksihan siya kay Jen, particularly sa legs nito na makikita mo na very fit dahil athletic si Jen.

May yummy-yummy-hang shower scene si Gil sa My Love From The Star.

Ready na ba siyang pagpantasyahan ng kababaihan at kabadingan?

“Yeah, okey lang!” ang mabilis na sagot ng newbie heartthrob na si Gil, na nag-iwan ng magandang impression sa entertainment press doon sa presscon ng MLFTS.